Simula
Hinihingal na huminto sa pagtakbo si Cassandra at muling tinignan ang mga lalaking naghahabol sa kaniya. Nang makitang nakasunod parin sa kaniya ang mga ito ay muli siyang tumakbo at nagtago sa madilim na parte ng isang lumang bahay.
Hindi niya alam kung bakit siya hinahabol ng mga ito at base sa nakita niya ay mga armadong lalaki ang humahabol sa kaniya. Wala naman siyang ginawang masama at mas lalong hindi naman siya nagkautang o nakapatay para habulin siya ng ganung klaseng mga lalaki. Mahirap lang siya ngunit hindi niya magagawa ang nasa isip na posibleng dahilan kung bakit siya hinahabol ng mga lalaking ito.
Mas lalo niyang isiniksik ang sarili sa pinagtataguan nang maulinigan ang mga yapak ng mga ito malapit sa pinagkukublian niya.
"Pinuno biglang nawala!" rinig niyang sigaw ng lalaki sa kasamahan nito.
"Ulol! Hanapin niyo, alam kong hindi pa iyon nakakalayo. Kung kinakailangang halughugin niyo ang buong eskinitang ito para mahanap ang babaeng iyon ay gawin niyo kung ayaw niyong malagot kay Boss!" sigaw naman ng tinatawag na Pinuno sa mga kasamahan nito na agad namang tumalima.
Naipikit ni Cassandra ang mga mata at nanalangin na sana ay makalabas siya ng buhay sa lugar na iyon.
"Pinuno nakita ko na!" Naimulat ni Cassandra ang mga mata nang marinig ang sigaw na iyon. Gulat at nanlalaki ang mga mata na napatitig lamang siya sa lalaking nakatayo sa kaniyang harapan na malaki ang pagkakangisi sa kaniya.
Dali dali siya nitong sinakmal ng aktong tatakbo siya palayo dito.
"W-wag po, maawa po kayo sa akin!" Nanginginig ang tinig niya at takot na takot sa nakikita. Hinila siya ng lalaking may hawak sa kaniya at hinarap sa lalaking sanggano. Nakakatakot ang itsura nito at punong-puno ng iba't ibang tattoo ang katawan nito na nakikita.
Nakangisi ang lalaki na pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa.
"Tch! Dalhin niyo na 'yan kay Boss." utos ng lalaki sa mga kasamahan nito at hinila siya palapit sa isang sasakyang di kalayuan sa lugar kung saan siya dinakip.
"Pasok!" anang lalaking may hawak sa kaniya sabay tulak sa kaniya papasok sa nakabukas na pintuan ng saskyan. Napaupo siya ng maayos nang maisara na ang pinto.
Nuon lang din niya namalayan na hindi siya nag iisa sa loob ng saskyan. Maliban sa driver ay may isang lalaking nakaupo sa kaniyang tabi. Kalahati lang nang mukha ng lalaki ang nakikita niya. Nakasuot ito ng face mask at tanging mata lang nito ang nakikita.
Malalim na tumitig sa kaniya ang lalaki na tila ba pinag aaralan ang buong mukha niya. Mula sa makapal nitong kilay, mahahabang pilik mata at ang itim nitong mata. Tila nahihipnotismong nakipagtitigan siya sa lalaki.
"It's nice to see you again Sandra." Bulong nito na nagdulot ng kakaibigan epekto sa buong katawan niya. Parang pinipiga ang ulo niya nang paulit ulit na naririnig niya ang pangalang binanggit nito. 'Sandra'
Hindi niya maalala kung saan niya narinig ang pangalang iyon ngunit nasisiguro niyang pangalan niya iyon. At iisang tao lamang ang tumatawag sa kaniya ng ganun.
Parang may bombang sumabog sa kaniyang harapan nang marealize niya ang lahat.
Akamang magsasalita na siya nang may malanghap siyang kakaibang amoy na nanggagaling sa loob ng sasakyan. Unti-unting nanlabo ang kaniyang paningin at nanghihinang kusang sumara ang kanyang mga mata.










