GTT 1: The Ghost Next Door
Share with your friends
Customize readability

GTT 1: The Ghost Next Door

lunabeee

All Rights Reserved ©

Summary

Is she falling in love... with a ghost?

Status
7yrs ago
Chapters
10
Rating
n/a
Age Rating
18+

Chapter One

NAPAPIKSI si Cola nang may marinig na kalabog mula sa kabilang kuwarto. Pati sina Constellation at Craze ay halatang hindi komportable sa ingay na naririnig nila. Nakaupo silang tatlo sa kama at nakabilog habang pinapakinggan ang nangyayari sa paligid. Simula nang lumipat sila sa C3 Tenement, gabi-gabi na lang may kalabog at kung anu-anong ingay silang naririnig sa Room 14.

Nanlaki ang mga mata ni Craze nang muli ay may kalabog silang narinig. “Sigurado na ko. Mag-asawa ang nakatira d’yan at binubugbog ng lalaki ang wife niya! We should report Abusive Husband to the police!”

Nasapo ni Cola ang noo. Simula no’ng unang gabi nila sa apartment, pinangalanan na ni Craze na “Abusive Husband” ang tenant sa kabilang kuwarto. Alam niyang nagiging judgemental sila, pero dahil bago sila ro’n, nagiging kadudaduda ang lahat para sa kanila.

“Hindi tayo puwedeng magsumbong sa pulis,” kontra naman ni Constellation. “Hindi pa naman tayo sure kung mag-asawa nga talaga ’yong nakatira d’yan sa kabilang kuwarto. Simula nang lumipat tayo, hindi pa naman natin nakikitang bukas ’yang Room 14.”

Pare-pareho na naman silang natahimik nang may marinig naman silang mga yabag, at kalansing na para bang may mga baryang nagkikiskisan.

Ipinaikot ni Constellation ang mga mata na para bang nakahinga ng maluwag. “Oh. That’s probably Rich Kid.”

Ang pinangalanan naman ni Constellation na “Rich Kid” ay ang hinihinala nilang anak ng may-ari ng C3 Tenement na si Tobie. Kadarating lang nito no’ng isang linggo at “boss” ang tawag dito ng caretaker. He was a good-looking twenty-something guy who was obviously rich, na madalas ipaikot-ikot ang mga susi sa daliri nito. Kaya malayo pa lang ito, basta narinig na nila ang kalansing ng mga susi, alam na nilang parating ito.

“Tobie, can you unlock the gate?” malakas na sigaw ng babaeng boses-lasing.

“Si Party Girl,” sabay-sabay na sabi nina Cola, Constellation at Craze. Si “Party Girl” naman ang tenant sa pinakadulong kuwarto sa floor na iyon– ang Room 20. “Party Girl” ang pinangalan nila sa babaeng nasa mid-twenties na dahil parati itong umuuwi ng lagpas sa 10PM curfew, at madalas pang sexy ang damit at lasing kung dumating. Isinasara ang gate sa third floor kapag alas-diyes na, para marahil masigurong walang outsider na makakapasok habang natutulog silang mga tenant.

Narinig nilang bumukas ang gate, ang sermon ni Rich Kid, ang pagbungisngis ni Party Girl, at ilang sandali pa, tumahimik na ang paligid.

Sa wakas.

Nakahinga ng maluwag si Cola. Dahil tatlo silang mga babae sa apartment, parati siyang alerto sa nangyayari sa paligid para masigurong ligtas sila. Kaya simula nang lumipat sila ro’n, parati siyang nakikiramdam sa paligid.

Ang nightly “girl talk” tuloy nila na kadalasan ay tungkol sa boys, music at fashion, naging tungkol na lang parati sa mga kapitbahay nilang binansagan nila ng kung anu-anong pangalan.

Dahil buong maghapon silang nasa opisina para sa OJT nila, gabi na sila nakakauwi. At dahil pagod, kakain, maliligo at matutulog na lang sila. Wala na silang oras kilalanin ang mga tao sa paligid nila. Mag-i-isang linggo pa lang sila kaya hindi pa sila nakakapagpahinga ng weekend.

“Look at the time. 10PM na pala, hindi man lang natin nakausap sina Paulius,” nakasimangot na sabi ni Craze na ang tinutukoy ay ang kababata nila. Sa National Herald– sikat na broadsheet– nago-OJT si Paulius kasama ang close friends din nilang sina Evaldas at Arnoldas. ”Keri niyo pa bang mag-Skype o inaantok na kayo?”

“Okay lang sa’kin. Miss ko naman na si Arnoldas eh,” bumubungisngis na sagot ni Constellation. “Dali! Mag-log in ka na sa Skype.”

Bumungisngis si Craze, halatang kinikilig at excited habang nagla-log in sa Skype para tawagan sina Paulius, Evaldas, at Arnoldas na sa iisang apartment din nakatira. “Hindi na kita tatanungin, Cola. I’m sure gusto mong makausap si Evaldas mo.”

Tumabingi ang ngiti ni Cola. May hindi pa nga pala siya nasasabi kina Constellation at Craze dahil hindi kaya ng pride niya bilang babae. Kaya para makatakas, tumayo siya at kinuha ang palanggana sa banyo, at naglagay ng ilang marurumi niyang damit doon.

“Maglalaba ka ng ganitong oras?” gulat na tanong ni Constellation.

Tumango si Cola na parang robot dahil sa tigas ng galaw ng ulo niya. “L-labhan ko lang ’tong jacket ko. M-malamig kasi sa office eh isa lang ang nadala kong jacket.”

“Eh bakit lalabas ka pa? Puwede namang maglaba sa banyo,” kumukurap-kurap namang tanong ni Craze na napansing palabas na siya ng apartment.

Ngumiti ng alanganin si Cola. “M-mas maluwag kasi sa laundry area kaya... bye!”

Tumakbo si Cola palabas ng apartment, papuntang laundry area sa floor na iyon. Nagmamadali siya dahil ayaw niyang makita si Evaldas, kahit pa sabihing via Skype lang. Wala kasi siyang mukhang maihaharap sa kababata niya matapos niyang mag-confess dito na gusto niya ito.

No’ng last day ng klase nila noong nakaraang semester, kinulit-kulit siya ni Evaldas kung sino ang crush niya. Napaamin tuloy siya ng wala sa oras. Akala niya pareho sila ng feelings. Because she believed that childhood friends ending up together was the most romantic thing in the world. Pero binasted siya ni Evaldas.

Maglaba ka na nga lang, Cola! saway niya sa sarili. Therapy kasi niya ang paglalaba. Kapag naglalaba siya, nawawala lahat ng aalalahanin niya.

Ang laundry area ay nasa west wing ng palapag, sa may balkonahe sa tapat ng Rooms 16-20. Bawat gripo do’n ay may numero. Nagkamali pala siya ng napuntahan. Dapat ay sa east wing pala siya dahil doon ang laundry area ng Rooms 11-15. May malaking kusina kasi sa espasyo sa pagitan ng Room 15 at Room 16, kaya nahati ang palapag na iyon sa dalawa. Sa kaliwa, magkakahilera ang Rooms 11-15. Sa kanan, ang Rooms 16-20 naman. Nakalimutan niya ’yon kaya dumeretso siya sa kabilang panig.

Tumingin siya sa balkonahe. Madilim na sa east wing. Napagpasyahan niyang gamitin na lang ang gripo na hindi naman assigned sa Room 15.

Sa pagkakaalam ko naman, vacant space pa ang Rooms 16-19.

Dumeretso na si Cola sa laundry area, namili ng gripong gagamitin at dahil nasa tapat niya, ang gripo na may tag na “#17” ang napili niyang gamitin. Hindi na lang niya binuksan ang ilaw para walang makakita sa kanya. Ginamit na lang niya ang flashlight ng cell phone niya.

Pinupuno na niya ng tubig ang palanggana niya nang makaramdam siya ng kakaiba. Bukod sa tubig na nagmumula sa gripo, wala na siyang ibang ingay na naririnig. Madilim na rin sa bahaging iyon dahil patay ang ilaw sa magkakahilerang bakanteng kuwarto, maliban sa Room 20 na inookupa ni Party Girl.

Pakiramdam niya ay mas lumamig ang hangin na bigla na lang niyang naramdaman sa bandang likuran niya. Hindi siya matatakutin, pero kinilabutan siya ng sandaling iyon. Pero gayunman, na-excite pa rin siya.

Napabungisngis si Cola. “Sana makakita ako ng multo. Kahit isang beses lang.”

“That’s my room’s faucet.”

Napasinghap si Cola nang marinig ang boses na iyon. Napatayo tuloy siya at pagpihit niya paharap, sumalubong sa kanya ang isang napakaputing binata. Sa madilim na pasilyo, nangibabaw ang maputla nitong mukha. Kung hindi lang siguro dahil sa malamlam na liwanag mula sa Room 20, mapagkakamalan niya itong lumulutang dahil itim ang suot nitong hoodie jacket, pati pantalon at sapatos. Idagdag pa na nakasaklob sa hood ang ulo nito. Itim din ang buhok at mga mata ng binata.

Come to think of it, it felt spooky seeing a pale guy with only his face and his white hands visible in the dark. Mukha itong lumulutang sa ere!

Iminuwestra ng maputlang lalaki ang gripo na naiwan ni Cola na bukas. “Bakit ginagamit mo ang gripo na para sa kuwarto ko?”

No’n lang natauhan si Cola. Tumingin siya sa tag #17 ng bukas na gripo, at sa madilim na Room 17, bago dumako ang tingin niya sa maputlang lalaki. “Ang sabi ni Tobie, wala namang tenant sa Room 17.”

Halatang nagulat ang lalaki sa sinabi niya, pagkatapos ay ngumiti ito – ngiting misteryoso. Nang ibulsa nito ang mga kamay sa pantalon, mukha na lang nito ang kita sa dilim. “Oh. You really can see me, huh?”

Inabot ng ilang segundo bago naproseso ng isip ni Cola ang sinabi ng lalaki. Muli, napasinghap siya. “Hindi ba dapat kita makita?”

Mas naging misteryoso ang ngiti ng lalaki. “You’re not even supposed to hear me.”

Kinilabutan si Cola sa realisasyong nabuo sa isip niya. Kusang napahakbang paatras ang katawan niya. ”M-mumu ka ba?”

Again, he just smiled mysteriously at her. Naglakad ito paatras, hanggang sa lamunin na ito ng kadiliman.

Nanigas lang sa kinatatayuan niya si Cola. Hindi makapaniwala sa engkuwentrong naranasan niya. She just talked to a ghost! Simula pagkabata ay wala na siyang ibang hinangad kundi ang magkaroon ng paranormal experience – na normal na buhay para sa pamilya niya, maliban sa kanya. Bumukas na ba ang third eye niya?

Hindi niya maintindihan kung bakit himbis na takot, pagkasabik ang naramdaman niya. Sinasabi na nga ba niya’t late bloomer lang siya!

Ate Coco, look! May paranormal gift din ako!

At para makumpirma ang newly awakened gift niya, sinundan niya ang multo na nakita niya. Sigurado siyang nakita niya itong humakbang lang paatras. Pero nang makalapit na siya sa puwesto ng maputlang lalaki kanina, nabigla siya nang malamang pader pala iyon sa pagitan ng Room 17 at Room 18.

Sinubukan niyang buksan ang Room 17 at 18, pero parehong naka-lock ang mga iyon kaya imposibleng doon dumaan ang lalaki. Saka kitang-kita niya nang umatras lang ito at hindi naman binuksan ang kahit anong pinto.

Then, lumusot siya sa pader na ’to, konglusyon ni Cola habang pinaparaan ang daliri sa pader. Ibig sabihin, multo nga talaga ang lalaking ’yon!

***

“I SAW a ghost at Room 17 last night,” nanlalaki ang mga matang anunsiyo ni Cola kina Constellation at Craze paggising na paggising niya.

Ang totoo niyan, hindi talaga siya nakatulog kagabi kakaisip sa nakita niyang maputlang lalaki na multo pala. Masaya siyang malaman na may gift din pala siya gaya ng ibang miyembro ng pamilya niya. Sa wakas, may maibabahagi siyang experience kapag paranormal na ang pinag-uusapan nila. Hindi na siya tutuksuhin ng mga pinsan niya dahil sa pagiging “normal” niya.

Pero ang ipinagtataka niya ay ang kawalan ng takot sa sistema niya. Alam niyang naroon iyon, at inisip na lang niya na natatabunan iyon ng excitement.

“Maligo ka na at baka ma-late pa tayo, Sleeping Beauty,” nanlalaki ang mga matang sabi ni Craze sa kanya. Kasalukuyan itong naglalagay ng kolerete sa mukha.

“Nakapagluto na rin ako ng breakfast kaya kumain ka muna,” sabi naman ni Constellation na nasa kusina. Base sa naaamoy ni Cola, sinangag nito ang kaning lamig kagabi, at nag-prito ito ng itlog at bacon.

Open-space ang kuwarto nila. Nagsilbi na ring bedroom ang sala nila dahil nasa sahig ang king-size na foam ng kama na hinihigan nilang tatlo. May sarili silang banyo at kusina, na dahilan kung bakit mas mahal ang kuwarto nila kaysa sa ibang kuwarto sa second floor.

Meron pang mas mahal sa kuwarto nila na may sariling balkonahe kung saan puwedeng maglaba at magsampay, pero dahil kuripot si Ate Coco, iyong Room 15 ang kinuha nito para mas mura, tutal naman daw ay may laundry area naman at puwede rin daw maglaba sa banyo. Pumayag naman si Craze na kahit anak-mayaman at nuknukan naman ng kuripot, at si Constellation na kuntento nang may sarili silang kusina. Mahilig kasing magluto si Constellation.

Napasimangot si Cola. Alam nina Constellation at Craze na hindi siya nakakakita ng multo, kaya marahil hindi naniniwala ang dalawa sa sinabi niya. “Pero totoo ang sinabi ko, Consta, Craze. May nakita talaga akong mumu kagabi sa tapat ng Room 17. Nag-usap pa nga kami, eh.”

Bumuntong-hininga si Craze habang iniikot-ikot ang lalagyan ng lipstick. “Kung nakausap mo siya, then it wasn’t a ghost. Baka naman tenant lang din ’yong nakita mo.”

“Pero ang sabi niya, I wasn’t supposed to see nor hear him,” katwiran ni Cola.

Nagkatinginan sina Constellation at Craze, saka sabay na natawa. Tinapik-tapik pa ni Craze ang ulo niya na para bang bata siya.

“Cola, don’t talk to strangers again, okay?” natatawang bilin ni Craze sa kanya.

“Hindi natin kilala ang mga tao rito,” dagdag naman ni Constellation. “Kitams? Napag-trip-an ka kagad.”

Gusto pa sanang ipaglaban ni Cola na totoong multo ang nakausap niya kagabi, at nakita pa niya itong tumagos sa pader. Pero base sa reaksyon nina Constellation at Craze, halatang hindi maniniwala ang mga ito sa kanya.

“Kakain na ko,” nakasimangot na sabi ni Cola. Binigyan lang siya ng apologetic na ngiti nina Constellation at Craze. But her friends still refused to believe her.

Matapos kumain ay pumasok na si Cola sa banyo. Dahil matagal siyang maligo, hindi nakapagtataka na paglabas niya, naghuhugas na ng pinggan si Craze samantalang naglalagay na ng baon nila sa lunch box si Constellation.

Dahil parehong abala ang mga kaibigan niya, naisip niyang lumabas muna saglit para kumpirmahin ang hinala niya. Dumeretso siya sa Room 17, pero bago pa niya mahawakan ang seradura ay may pumigil na sa kanya.

“Miss Cola of Room 15?”

Napasinghap si Cola nang marinig ang pagsita sa kanya. Nalingunan niya si Tobie na gaya ng madalas, pinapaikot-ikot sa daliri ang mga susi. “Tobie...”

Guwapo si Tobie, matangkad at maganda ang pangangatawan. Kitang-kita naman ’yon sa muscles na namumutok sa mga braso nito. At kailangan ni Cola aminin na ang sexy tingnan ng binata kahit simpleng puting V-neck shirt at faded jeans lang ang suot nito. Mestizo rin ito, blonde ang buhok at kulay amber ang mga mata. There was this air of wealth around him, kaya “Rich Kid” ang bansag nilang magkakaibigan dito.

“May kailangan ka ba sa Room 17?” tanong ni Tobie sa lalaking-lalaking boses.

Hindi type ni Cola ang masyadong brusko na mga lalaki, pero ang lakas ng sex appeal ni Tobie! Pakiramdam niya ay tinubuan siya ng hiya dahil nag-init ang mga pisngi niya. “Ahm, m-may nakita kasi akong lalaki kagabi. Ang sabi niya, tenant siya ng Room 17. Eh sa pagkakaalam ko, bakante ang Rooms 16-19, ’di ba?”

Kumunot ang noo ni Tobie, saka tumango. “Oo, bakante nga ang Rooms 16-19.”

Nanlaki ang mga mata ni Cola. “Ibig sabihin, multo talaga ’yong nakita ko kagabi?”

Napakamot ng kilay si Tobie. “Miss Cola, walang multo rito sa tenement.”

“Eh sino ’yo–”

“May bali-balita sa mga katabi nating tenement na pinasok sila ng magnanakaw nitong nakaraang linggo. Kaya nga nagroronda ako gabi-gabi para masigurong ligtas kayong mga tenant. Iyon din ang dahilan kung bakit mahigpit ako sa curfew. Kaya Miss Cola, mag-iingat ka rin. Sana pag malalim na ang gabi, nasa kuwarto ka na lang. Kayo ng mga kaibigan mo lalo’t puro kayo mga babae,” sermon sa kanya ni Tobie.

“Sorry.”

Bahagyang tumaas ang sulok ng mga labi ni Tobie. “Don’t worry. You’re safe here. Pero kailangan ko rin ng kooperasyon niyong mga tenant para mas maging ligtas ang lugar natin.”

Tumango si Cola. “Okay.”

Dahil mukhang binabantayan ni Tobie ang Room 17, napilitan si Cola na bumalik na sa kuwarto niya. Sa may pintuan ay nakita niya si Constellation na nakasilip kay Tobie na naglalakad na pababa ng hagdan.

“Si Rich Kid ba ’yong kausap mo?” tanong ni Constellation kay Cola.

“Oo. Bakit? Type mo ba si Tobie?”

Iwinasiwas ni Constellation ang kamay, pero napabungisngis din ito. “Puwede na. He looks as rich as Arnoldas naman, eh. Saka no’ng kadarating lang niya, I saw him driving a Volvo.”

Napailing na lang si Cola. Alam naman ng lahat na mahilig si Constellation sa rich boys. At kapag mas mayaman ito kaysa sa nanliligaw dito, dedeadmahin nito ang lalaking ’yon forever.

“Tapos na ba kayo mag-chikahan? Male-late na tayo,” naiinip na sabi ni Craze na isinasara na ang mga bintana ng kuwarto.

Kinuha na ni Cola ang bag niya at lalabas na rin sana, pero nang may maalala ay bumalik siya agad sa kuwarto at dumeretso sa ref. Kumuha siya ng imbak niyang Coke Mismo, at kumuha naman siya ng cup noodles sa may cup board ng kusina.

“Wait lang, ha!” paalam ni Cola kina Constellation at Craze, saka tumakbo papuntang Room 17. Lumuhod siya at inilagay sa tapat ng pinto ang Coke Mismo at cup noodles. Pagkatapos ay pinagdikit niya ang mga palad niya at umusal ng maikling dasal sa isip niya.

Noong nabubuhay pa ang daddy niya na may lahing Intsik, tinuro nito sa kanya na kailangan nilang mag-alay ng pagkain para sa mga yumaong minamahal sa buhay, nang sa gano’n ay hindi magutom ang mga ito sa kabilang buhay.

Minsan nga, pabirong sinabi ng daddy niya na kapag namatay ito, dapat ay madalas silang mag-alay ng pagkain dito para hindi ito makapag-agawan ng pagkain sa ibang multo. Kaya nang mamatay ang ama niya limang taon na ang lumilipas, kahit sitsirya ay inaalay niya para hindi magutom ang daddy niya kung nasaan man ito.

Sorry, Daddy. May iba muna kong pag-o-offer-an ng food. “Please accept my offer, Mr. Ghost. Saka please, magpakita ka uli sa’kin mamayang gabi. Hihintayin kita.”

***

INIPIT ni Seventeen sa chopsticks ang noodles, saka niya iyon sinubo. Lumikha iyon ng ingay na kahit alam niyang unethical sa pagkain, ay na-enjoy pa rin niya. Lalo’t mag-isa lang naman siya sa kuwarto. “Ah, hindi ko talaga gusto ang lasa ng bulalo flavored instant noodles.”

Kanina kasi, may narinig siyang boses sa tapat ng kuwarto niya. At mukhang siya ang tinatawag ng babae na “Mr. Ghost.” Kung tama ang hinala niya, iyon ang babaeng napag-trip-an niya kagabi. Nang lumabas siya ng kuwarto, nakita niya ang cup noodles at Coke Mismo sa tapat ng pinto, kaya kinuha niya ang mga iyon at ginawang almusal.

“It really feels awful lying to an adorable girl.”

Ipinihit ni Seventeen ang swivel chair niya at nakita niya si Tobie na kapapasok lang ng kuwarto niya gamit ang adjacent room sa pagitan ng Room 17 at 18. He occupied the former while his friend owned the latter room. Iyon lang din ang mga kuwarto na may dugtungan sa palapag na iyon dahil pinasadya nila iyon, nang sa gano’n ay nasa tabi lang niya si Tobie kung sakaling kailanganin niya ito.

Ugh, that sounds gross.

“You’re flirting with your tenants?” nakataas ang kilay na tanong ni Seventeen kay Tobie na kasalukuyan nang nire-raid ang bookshelf niya ng mga komiks.

“Of course not. It’s against the rules,” mariing tanggi ni Tobie na may nakuha nang comics na kasalukuyan nitong binubuklat-buklat. “I had to lie to Miss Cola of Room 15 to protect your privacy. Remember her? ’Yong babaeng pinagtrip-an mo kagabi?”

Kumunot ang noo ni Seventeen, pero tumaas din ang sulok ng mga labi niya. Kahit siya ay hindi alam kung macu-cute-an o mawi-weirdohan siya sa narinig. “Cola? Totoong pangalan niya ba ’yon? Weird.”

Tobie gave him a disbelieving look. “Ayokong marinig ’yan mula sa taong ‘Seventeen’ ang totoong pangalan.”

“Touché,” nangingiting pag-amin ni Seventeen sa pagkakamali. “Anyway, what did this Cola girl ask about me?”

“Tinatanong lang niya kung may tenant na ang Room 17. Siyempre, sabi ko wala. Dahil ’yon ang nasa kontrata natin. Walang tenant ang makakaalam na may occupant ang kuwarto mo,” naiiling na sagot ni Tobie. “How long will you live like a ghost, Seventeen?”

Ipinihit ni Seventeen ang swivel chair patalikod kay Tobie, paharap sa computer screen kung saan muli niyang hinarap ang ginagawa niyang comics. Ibinaba niya ang cup noodles sa magulong mesa sa tabi niya, at nagpanggap na abala sa pagtatrabaho. Dahil magkaibigan na sila ni Tobie mula pagkabata, wala na itong inhibisyon sa pag-usisa sa pribado niyang buhay.

He didn’t mind anyway. Kaya nga pati ang tungkol sa Cola girl na ’yon ay naikuwento niya rito agad kaninang madaling-araw.

“I’ll die anyway, Tobie,” naiiling na sagot ni Seventeen. “Then I’ll become a real ghost. Kaya ngayon pa lang, sinasanay ko na ang sarili kong mabuhay na parang multo.”

“That’s not funny, man. Alam mong may chance kang maka-survive sa operasyon.”

Pasimpleng napahawak si Seventeen sa dibdib niya, kasabay ng pagtatagis ng bagang niya nang muli iyong manikip. Hindi pa oras, saway niya sa puso niya na parang pinipiga na naman.

“Tobie,” saway niya sa kaibigan sa nagbabantang boses.

“Fine,” mabilis na pagsuko naman ni Tobie. Saka ito lumapit sa kanya at dumukwang sa computer screen niya. Pumito ito na para bang manghang-mangha sa ginagawa niya. “Are you working on a new comic book?”

Seventeen appreciated the change of topic. Kapag ang trabaho niya bilang comic artist ang pag-uusapan, ginaganahan siya. Lalo na’t may ipagyayabang naman siya bilang sikat at magaling na comic artist sa Pilipinas. Mas lalo lang nakadagdag sa kuryosidad ng mga mambabasa ang misteryoso niyang pagkatao dahil hindi siya nagpapakita sa madla. Kilala lang siya ng publiko sa pen name na “17” na “one-seven” kung bigkasin ng mga mambabasa.

“Yes, the one I was talking about before. The “Detective Ghost,“” proud na sagot ni Seventeen sa tanong ni Tobie.

“Ah, ’yong detective na nagpapanggap na multo ng mga pinatay na biktima sa mga murderer nila.” Kunot-noong nilingon siya ni Tobie. “Teka, dito ba nagmula ’yong ideya mong magpanggap na multo kay Miss Cola?”

Hindi napigilan ni Seventeen ang mapangiti nang maalala ang engkuwentro nila ni Cola kagabi. Kapag nag-iisip kasi siya ng plot para sa mga comic book niya, tumatambay siya sa laundry area. Tahimik kasi do’n at madilim. At dahil kadalasan ay horror at mystery ang genre ng mga sinusulat niya, na-i-inspire siya sa mga lugar na nakakatakot para sa iba, gaya ng madidilim na lugar.

At kagabi, hindi niya inaasahan na may tao sa laundry area ng gano’ng oras. Narinig niya ang sinabi ni Cola na gusto nitong makakita ng multo, at bigla-bigla na lang ay may bagong eksena para sa comic book niya ang nag-pop sa utak niya. Bago pa niya namalayan, narinig na lang niya ang sarili na pinapahiwatig sa dalaga na multo siya, gaya ng nakita niyang eksena sa isip niya.

“Hindi ko naman intensiyon na pagtrip-an siya,” depensa ni Seventeen sa sarili. “Alam mo namang namumuhay talaga ako na parang multo– nakikisalamuha sa mga tao nang hindi nila nakikita. Kaya kailangan ko ring itago kay Cola na buhay ako.”

Umiling-iling si Tobie, saka lumapit sa isang bahagi ng pader ng kuwarto niya, saka nilapat ang kamay do’n. “Pati itong secret door mo, ginamit mong props para “patunayan” kay Miss Cola na multo ka.”

Yes, that wall was a secret door leading to his room. Mahalaga ang secret door na ’yon for emergency purposes, lalo na sa kalagayan ni Seventeen. Pero tinatamad na siyang magpaliwanag kay Tobie kung bakit siya nagpakita kay Cola at nagpanggap na multo, dahil siya mismo ay hindi alam ang dahilan.

“Sabagay. Kahit wala itong secret door, at kung ako si Miss Cola, aakalain ko ring multo ka dahil sa sobrang putla mo,” iiling-iling pa rin na sabi ni Tobie. “Kumakain ka ba ng tama?”

“Kumakain ako ng tama. Hindi ko kasalanan kung ganito ang kulay ng balat ko,” iritadong pagtatanggol ni Seventeen sa sarili. Alam naman niyang para siyang gatas sa puti na namana niya sa ina niyang Koreana. “Why do you keep on talking about that Cola girl anyway, Tobie? Type mo ba?”

Nagkibit-balikat si Tobie. “She seems nice, and she has a cute smile, too.”

Binato ni Seventeen ng unan si Tobie na madali nitong naiwasan. Hindi siya sanay na babae ang pinag-uusapan nila ng kaibigan. Lalo na’t puro babae rin ang naging dahilan ng kamiserablehan niya. “Get out. It’s my sleeping time already.”

Tumingala si Tobie sa wall clock, at napapalataktak na lang nang makitang alas-diyes na ng umaga pero matutulog pa lang siya. “Ang weird niyo talagang mga artist,” iiling-iling na sabi nito, saka lumabas ng kuwarto niya.

Napabuntong-hininga na lang si Seventeen nang mapag-isa. Eh anong magagawa niya kung sa gabi mas gumagana ang isip niya para magtrabaho?

Nakaramdam na siya ng totoong antok kaya dinala na niya ang sarili niya sa kama. Paghiga pa lang niya ay nakatulog agad siya. Hindi niya alam kung gaano iyon katagal pero nagising siya nang may marinig siyang nagsasalita sa labas ng kuwarto niya.

“Mr. Ghost, nand’yan ka ba? Puwede ba tayong mag-usap?”

Napaungol si Seventeen sa isipan. That Cola girl came back, huh? Tumingala siya sa kisame, hinihintay na umalis din ang dalaga, pero nagpatuloy lang ito sa pakikiusap sa kanya na magpakita rito.

Hanggang sa marinig niya sa isipan ang sinabi ni Tobie kanina: “She seems nice and she has a cute smile, too.”

Hindi makita ni Seventeen ang nakangiti si Cola sa isipan niya dahil hindi naman ito ngumiti kagabi. Gulat at takot lang ang nakita niya sa mukha nito no’n. Bigla tuloy siyang nilamon ng kuryosidad. He wanted to see her smile with his own eyes.

Namalayan na lang niya ang sarili na sinusuot ang itim na jacket niya, at sinasaklob ang ulo sa hoodie niyon, habang palabas gamit ang pinto ng Room 18. Wala si Tobie sa kuwarto nito. Malamang ay nagroronda na naman ito. Tahimik siyang lumabas at dahan-dahang isinara ang pinto sa likuran niya.

Nakita ni Seventeen si Cola na nakaluhod at nakapikit sa tapat ng Room 17, habang magkadikit ang mga kamay na parang may dinadasalan, may cup noodles at Coke Mismo uli sa may pintuan. Masyado itong seryoso sa ginagawa kaya marahil hindi man lang namalayan ang paglabas niya. Umangat ang sulok ng mga labi niya. He had to admit that she looked so adorable.

“Para sa’kin ba ang mga ’yan?”

Narinig at nakita ni Seventeen ang pagsinghap ni Cola, bago ito tumayo at humarap sa kanya. Nanlaki ang mga mata nito na parang hindi makapaniwala na nakikita siya. Akala niya ay mahihimatay na ang dalaga dahil sa pagkagulat na nakita niya sa mukha nito. Pero mayamaya lang ay nakabawi ito at unti-unting gumuhit ang matamis na ngiti sa mga labi nito.

“I knew it. Totoong multo ka nga!” masayang bulalas ni Cola.

Unti-unting nabura ang ngiti ni Seventeen. Hindi nga nagsisinungaling si Tobie nang sabihin nitong may magandang ngiti si Cola. Akala niya matatapos na ang kuryosidad niya sa dalaga ngayong nakita na niya itong ngumiti, pero mas lalo lang siyang naging interesado rito.

Ah, bad. Once an artist becomes interested in subject, he never stops until he gets it...

Let lunabeee know what you thought about this chapter!

Further Recommendations

The Alpha's Exiled Mate (ON HOLD)

Catherineb83: Story good just would have liked her not to wear a mask

Read Now
Bear Shifter Secrets

tatianne Ingrid: Adorei cada capitulo! parabens

Read Now
THE ALPHA WHO REFUSED TO APOLOGIZE

PansyPotter: I liked that the main female character is written to be a strong and intelligent woman

Read Now
To Catch a Ghost, Part 1

Wendy Salvo: I really liked this story but now that I’ve read all three I wanted to come back with a thought, the forward on this story talks about a reverse harem and not having to choose, but there isn’t any choice, or thought of a harem until the moment she connects with them, there is only foreshadowing of o...

Read Now
The Grumpy Next Door

mmurphy1008: This book had my attention from the very first chapter! It has romance and humor and just enough tension to keep it moving along. Can’t wait to read more from this author.

Read Now
Bloodlines

Read4Free16: Fantastic development of characters and story line

Read Now
The Luna He Threw Away

Danielle_Anderson: Garian’s folded arms and the anger he does not bother to hide from Tria caught my attention more than the rejection itself. He stands near the platform steps like a man watching a preventable disaster, and his insistence that the council has not agreed to exile suggests Delvan’s decree is not as abs...

Read Now
The Iron Crown

Danielle_Anderson: Kira's training yard and her mirror feel like two different women, and the gap between them is where this opening does its best work. The clean arc of the sword, the shock running up through her wrists, the bright singing moment when only the blade exists, all of that is undone by the practiced soft...

Read Now
Bear Roberts

user-za6B61FpQY: While I felt like this wasn't a realistic situation on meeting someone; I realky like how their relationship develops!

Read Now