Chapter 1
CUTE NA cute si Itchie sa sarili niya ng mga sandaling iyon. She was wearing an over-sized navy tee, light blue shorts and a pair of wedge shoes. Makapal ang eyeliner niya na nag-enhance sa kagandan ng bilugan at brown niyang mga mata. Her long, wavy light brown hair had a little “palm tree” on top. Tinali niya paitaas ang buhok niya sa tuktok kaya nagmukhang may maliit na puno iyon.
Siyempre, humakot ng atensyon ang kagandahan niya. Hindi nga lang positibo ang ilan.
“Hoy, babaeng nagpapanggap na Koreana, late ka na naman.”
Napangiti siya nang makita ang pinsan niyang si Meiko. Nakaupo na ito sa isa sa tatlong mataas na stool malapit sa counter ng HappyChic, ang pinakamalaking fast food chain sa bansa ngayon. “Hello, Ate Meiko.” Nilingon niya ang kaibigan nilang magulung-magulo na naman ang buhok. “Hello, Suri. As usual, mukha ka pa ring luka-loka.”
In-adjust ni Suri ang malaking eyeglasses nito saka siya binigyan ng ngising-aso. “Hello, white chipmunk.” Iyon ang ganti nito sa kanya kapag niloloko niya ang ayos nito dahil maputi siya. Iyon lang yata kasi ang alam nitong hayop na may ‘white’ sa pangalan. It wasn’t because she looked like a monkey.
Maganda kaya ako!
Umupo siya sa pagitan ng dalawa. “Pasensya na kung late ako. Kasi naman –”
Tinaas ni Meiko ang kamay nito para pigilan siya. “Don’t bother explaining, pinsan. Sa kapal ng make-up mo at sa taas ng palm tree sa ulo mo, parang alam na namin kung bakit late ka sa usapan natin. Um-order na ko para sa’tin.”
Natawa na lang siya. Pero napasinghap siya ng malakas nang makitang kanya ang pinakamaliit na chicken fillet samantalang naglalakihan ang sa mga ito. “Bakit ang liit ng manok ko? Nasa’n ang hustisya?”
“White chipmunk, ’wag ka ngang magreklamo. Meiko, bakit naliligo sa gravy ’yang kanin mo?”
“Bakit? May batas bang nagsasabing bawal ipaligo ang gravy sa kanin?”
“May katwiran. Kuya, pa-refill nga ng gravy.”
Hindi niya alam kung matatawa o mapapakunot-noo sa kakornihan ng mga kaibigan niya. Tatatlo lamang sila pero napakaiingay nila. Ang lakas naman kasi ng boses nina Meiko at Suri. Animo ay nagsisigawan kung mag-usap ang mga ito. Ewan nga ba niya kung paano siya naging close sa dalawang ito. Ah, siguro dahil pare-pareho silang maiingay.
Hindi sila magkakapareho ng kurso. Si Meiko, Education major in English ang kinukuha. Suri was taking up Journalism. Siya naman, Cosmetology ang kurso. Ang totoo niyan, sina Meiko at Suri talaga ang mag-best friend dahil magkaklase ang mga ito noong high school. She was two-year younger than them but since she was Meiko’s cousin, she became close to Suri as well.
At ngayong nasa kolehiyo na rin siya at pare-pareho silang sa East Sun University nag-aaral, mas naging malapit sila sa isa’t isa. Ang mga ito ang madalas niyang kasama sa tuwing sabay-sabay ang kanilang mga bakanteng oras. Sa mga oras na libre sila, sa HappyChic madalas tumambay. Gaya ngayon.
And of course, may isa pang dahilan kung bakit doon niya gustung-gustong kumakain.
“Here’s your gravy, Ma’am.”
Nag-angat siya ng tingin sa nagmamay-ari ng pamilyar na boses na iyon. Agad namang nagliwanag ang kanyang mukha. ”An yong haseyo, Min Ho!”
Sabay napatingin sina Meiko at Suri sa dumating na crew na nagdala ng extra gravy na hiningi ng mga lukring na ito kanina. The handsome boy was none other than Min Ho Jang – their half Filipino-half Korean schoolmate. Senior Civil Engineering student ito. Sikat ito sa East Sun University dahil guwapo naman talaga ang binata. Sa katunayan nga, puwedeng-puwede na ito ihanay sa mga Koreanong napapanood sa mga drama sa TV. Gano’n ito kaguwapo.
And yep, he was also her ultimate crush.
“Min Ho. Kumusta ka? Na-miss mo ba ko?” Patuloy na pagpapa-cute niya sa binata. Ewan ba niya pero parang naging fascination na niya ang pangungulit dito. Nag-e-enjoy kasi siya sa iba’t ibang reaksyong nakukuha niya mula rito. “Ako, na-miss kita. Puwede mo na bang ibigay sa’kin ang number mo para hindi na kita ma-miss?”
Nakita niya sa gilid ng kanyang mga mata na napailing ang mga kaibigan niya. Hindi na siya nagtataka sa reaksyon ng mga ito. Parating gano’n na lang kasi ang eksena sa pagitan nila ng binata. Pero ang hindi alam ng mga ito, sa bawat sandaling kinukulit niya ang binata, seryoso siya sa lahat ng sinasabi niya. Hindi lang halata dahil parati niyang binubuntunan iyon ng tawa.
Ngumiti si Min Ho pero halatang pilit lang. “Ma’am, do you have anything else you want to order?”
Ngumiti siya ng matamis. “Puwede bang um-order ng date?” Tumayo siya at pabirong hahalikan si Min Ho pero lumanding ang nguso niya sa tray na hawak nito. Natatawang umatras siya palayo rito. Aw. Another cute reaction from him.
“Kung wala na kayong o-order-in, aalis na ko,” magalang na paalam nito saka siya tinapunan ng masamang tingin.
Lalo lang siyang natawa. ”Sa rang hae, Min Ho! Wo ai ni! Mahal kita! I love you!” Nilingon niya si Meiko. “Ate, ano sa Japanese ’yong ‘I love you’?”
"Aishiteru.”
"Aishiteru, Min Ho!” Kunot noong nilingon siya nito at sinenyasang manahimik. She just gave him a flying kiss. “Mwaaah!”
Narinig niyang nagtawanan ang mga customers na nakarinig siya. May ibang sumimangot, may ibang pumito at karamihan sa mga babae ay inirapan siya. Wala siyang pakialam dahil alam niyang naiinggit lang naman ang mga ito dahil may lakas siya ng loob na magpa-cute sa crush niya. Sigurado rin naman siyang iyon din ang gustong gawin ng mga dalagang iyon. Hindi nga lang matatag ang kalooban – at makapal ang mukha – ng mga ito gaya niya.
“Hoy, umayos ka nga,” saway sa kanya ni Meiko. “Saan mo ba natisod si Min Ho, ha?”
Tumingala siya sa kisame na tila nangangarap. “Ganito ’yon. Isang araw, habang naglalakad-lakad ako sa mall, bigla na lang sumakit ang paa ko dahil sa suot kong stilleto shoes. Naupo ako sa hagdan at hinubad ang high heels ko. Katulad nga ng inaasahan ko, nagkaroon ako ng paltos.
Then, lumapit sa’kin si Min Ho at binigyan ako ng Band-aid. Iyong may design. Pagkatapos, in-offer niya ko ng piggy ride para hindi na masaktan ang mga paa ko sa paglalakad. The end.” Humagikgik siya. “Ang ganda ng love story namin, ’no?”
“Bleeh. It’s just one of your illusions,” tila tinatamad na komento ni Suri.
Napahagikgik uli siya. The two girls were giving her a bored look, which meant they didn’t buy her story. Kilalang-kilala na talaga siya ng mga kaibigan niya. “Paano niyo nalaman?”
“It’s too good to be true,” sagot ni Meiko. “Isa lang iyong scenario sa mga kinaadikan mong Koreanovela. Hindi mo naman mari-reach ang mga Koreano mo. Kung ako sa’yo, magbagong-buhay ka na.” Tinuro nito ang mukha ng modelo na wallpaper ng HappyChic. “Nakikita mo ang guwapong nilalang na ’yon? That’s Skylus Saitou, the hottest actor slash model in the country right now. Ang mga ganyang mukha dapat ang pinagnanasaan. Isa pa, abot-kamay natin siya.” Schoolmate kasi nila ang Japanese hunkie na iyon na isa ring upcoming star.
Sumimangot siya. “Japanese ’yan, eh. Mas type ko ang mga Koreano.”
“Hay, ewan ko sa’yo.” Tumayo ito at nagtungo sa counter para um-order ng dessert.
Napangiti na lang siya nang maalala ang totoong naging tagpo nila ni Min Ho tatlong buwan na ang nakakalipas. Hindi siya makapaniwalang sa dalawang taon namamalagi siya sa East Sun University ay nakaligtas sa pang-amoy niya ang guwapong Koreanong iyon. Mabuti na lamang at pinagtagpo sila ng tadhana nang madaganan niya ang binata nang madulas siya sa hagdan.
Well, bukod sa sinungit-sungitan siya nito ay siningil pa siya nito ng pampa-check-up. Ang akala niya, hanggang doon na lang ang kuwento nila. Kaya laking pasasalamat niya nang maiwan nito sa kanya ang ID nito. Because of that, she had a valid excuse to stalk him in East Sun. Nalaman niya ang ilang mahahalagang bagay dito tulad ng course nito, address at working place ng part-time job nito. Working student kasi ang irog niya.
Now, three months after their fateful encounter, heto pa rin siya at bubuntut-buntot sa Korean hottie by the name of Min Ho Jang.
Kilig!
“Hoy, white chipmunk, anong nginingiti-ngiti mo d’yan? Pinagnanasaan mo na naman si Min Ho, ’no?”
“Mabuti na ’yong habang maaga pa lang ay pinaghahandaan ko na ang future namin,” nakangiting sabi niya. “Suri, bagay kami ni Min Ho, my honey, ’di ba?”
“Gusto mo ba talaga ang Koreanong ’yon? I mean, kapag nakikita namin kayong magkasama, parang gusto ka niyang isako at iligaw. Wala kang pag-asa sa isang ’yon, girl.”
She chuckled. “Ano ka ba? Kaunting kindat na lang, bibigay na rin ’yon ’no.”
“Kuya!”
Sabay silang napalingon ni Suri kay Meiko nang marinig ang boses nito. May kung sino itong ‘Kuya’ na tinatawag. Isang lalaking naka-shades at naka-hood na jacket ang tinatawag nito. Nang hindi ito pansinin ng binata, ang pinsan na niya mismo ang lumapit dito. Pero may hindi inaasahang nangyari – nadulas si Meiko at nagkalat ang mga pagkain nito.
“So clumsy,” komento ni Suri at akmang lalapitan na si Meiko nang matigilan ito. Siya man ay natigilan din.
May isang lalaki kasing basta na lang humila patayo sa kanyang pinsan. Hindi naman magkandaugaga si Meiko na halatang natataranta sa pagpupunas sa mukha ng binata na mukhang nadale ng tumilapong sundae ice cream ng bruha.
“Don’t!” sigaw ng lalaki nang tanggalin ni Meiko ang sunglasses nito. But it was too late.
Napasinghap silang lahat ng malakas nang ma-reveal na ang lalaking iyon pala ay walang iba kundi ang sikat na aktor na si Skylus Saitou! Napatili ang halos lahat ng babaeng naroon pero wala ni isa sa mga ito ang nagtangkang lumapit sa artista.
Pagkatapos ay walang kaabog-abog na hinila ni Skylus Saitou si Meiko palabas ng fast food chain na iyon.
“Hala. Suri, hindi ba natin susundan si Ate Meiko?” nag-aalalang tanong niya.
Ngumiti lang si Suri na tila may interesanteng bagay na naiisip. “Hayaan mo na si Meiko. Malaki na ’yon.”
“Suri Ramirez?”
Isang lalaking singkit naman ang lumapit sa kanila. From the looks of it, he was a Chinese. Nakatuon lang ang atensyon nito kay Suri. The guy looked like he wanted to strangle Suri though.
"Ni hao, Greyson Chai,” nakangiting bati ni Suri sa binata na animo’y bubuga na ng apoy sa galit.
“Can we talk?” tila nanggigigil na tanong ng binata.
“Okay lang,” sagot ni Suri habang tumatayo. Pagkatapos ay hinila nito sa kuwelyo ang chinito na tila na-a-amuse na naasar sa kaibigan niya. “But I’m warning you now. Bawal ma-in love sa’kin.” Then, she grabbed the Chinese cutie by the hand and walked out with him, completely leaving her alone.
Napakurap na lang siya sa bilis ng mga pangyayari. The Japanese hunkie took Meiko away and now, Suri left her for the Chinese cutie. Ang sama talaga ng ugali ng mga bruhang ’yon!
Pero kaysa magmukmok, sinalin na lamang niya sa plato niya ang mga naiwang pagkain ng mga traidor niyang kaibigan at nilantakan iyon. Sigurado naman siyang hindi na babalik ang dalawa. Sunud-sunod na sumubo siya ng kanin kaya hindi na nakapagtataka nang mayamaya lang ay mabulunan siya. Marahang tinatapik-tapik na niya ang dibdib niya nang may isang baso ng tubig ang lumitaw sa harap niya. Naubos niya iyon sa isang-lagok lamang.
“Thank God I’m still alive!” bulalas niya. Nakangiting hinarap niya si Min Ho. “Maraming salamat uli sa pagliligtas ng buhay ko. Pa-hug nga.” Binuka niya ang mga kamay niya pero tiningnan lang siya nito. Natawa siya sa sobrang pagka-blangko ng ekspresyon sa guwapo nitong mukha.
Kumunot ang noo ng binata. “Umayos ka nga. I don’t want anyone dying in front of me. Makakasira ’yon sa pangalan ng HappyChic.”
Napasimangot siya sa sinabi nito. “Talagang mas importante pa sa’yo ang reputasyon ng HappyChic kaysa sa buhay ko, gano’n? Haaay... it’s okay. Love pa rin kita.”
Lalong kumunot ang noo nito. “Krung-krung ka talaga.”
Nagsalubong ang mga kilay niya. “Hindi ka naniniwalang gusto talaga kita?”
Iiling-iling na nilayasan lang siya nito. Napangiti naman siya. Mukhang kahit madalas ay parang gusto na siyang iligaw ni Min Ho dahil sa sobrang kulit niya, at least, lumalapit pa rin ito sa kanya at kinakausap siya.
Tinapos niya ang pagkain niya at nang paalis na siya ay isang kalokohan pa ang naisip niya. Sinadya niyang iwan ang kanyang binder notebook sa mesa nang sa gano’n ay may dahilan muli upang lapitan at kausapin siya ng kanyang Korean hottie.
Nasa labas na siya ng HappyChic at naglalakad sa tabi ng glass wall niyon nang makita niya si Min Ho na nagpupunas ng mesa malapit doon. Kinatok niya ng malakas ang salaming pader. Kunot-noong nilingon siya ng binata. Ngumiti siya at pinagkorteng letrang ‘C’ ang magkabilang kamay niya at pinagdikit ang mga iyon. Naging hugis puso iyon.
“Whatever,” Min Ho mouthed her.










