Chapter 1: Can't Move On
Chapter One
~~~
Alas onse na ng gabi. Mag-isang naglalakad sa tabi ng kalsada si Kylie habang nagpupunas ng luhang walang hintong tumutulo sa kaniyang pisngi.
Minaliit na naman kasi siya ng nanay ng boyfriend n'ya habang kumakain sila ng dinner sa isang sikat na restaurant.
Naroong sabihing bulag lang sa pag-ibig ang anak niya, pineperahan lang ni Kylie si Pancho, at ang pinakamasaklap pa nito ay dinadamay pa ang pamilya niya. Hinuhuthutan daw nila ng kaniyang pamilya ang anak nito kaya tuwang tuwa silang nakakapit sa bulsa ni Pancho.
Hindi na niya napigilang sumagot. Nasagot niya ang nanay ng boyfriend niya at nagmamadaling lumabas ng establisyimento.
Hindi man lamang siya ipinagtanggol ni Pancho. Nanatili lamang itong nakaupo at nakatingin sa kawalan habang binabato siya ng nanay nito ng masasakit na salita sa harap ng maraming taong nasa loob ng restaurant. Kaya nga't ganoon na lamang ang bigat ng kaniyang kalooban ngayon. Ika nga nila, napuno na ang salop.
Sa loob ng isang taon at limang buwan ay puro na lamang panghuhusga ang ipinatikim sa kan'ya ng nanay ni Pancho. Ni minsan ay hindi man lamang siya nakatapak sa pamamahay ng mga ito.
Napadaan siya sa The Shack--isang bar and snack house. Kaklase niya noong high school ang may-ari ng lugar na ito. Napagpasyahan niyang magpalipas muna ng sama ng loob doon.
Kakaunti lamang ang mga taong naroon. Mayroong mag-syota sa isang table sa tabi, at may magbabarkada sa isang mahabang table sa harap malapit sa live band na tumutugtog ng kanta ng bandang Eraserheads na Ang Huling El Bimbo.
Sila lamang ang customer na nandoon bukod sa kanya.
Umupo siya sa pagitan ng mag-syota at ng magbabarkadang nag-iinuman. Ramdam na ramdam ang pag-iisa niya sa buhay. Iyon naman ang gusto niya hindi ba? 'Yung katahimikan.
Lumapit ang isang waiter sa kan'ya at tinanong kung ano ang oorderin niya. "Beer, please," sagot niya sa waiter na matiyagang naghihintay sa kung ano ang sasabihin niya.
Nagpaalam ang waiter para kunin ang inorder niyang beer at spicy ribs. Hindi talaga siya nabusog sa restaurant kanina. Nabusog siya sa masasakit at mapanghamak na mga salita ng nanay ni Panchong walanghiya.
Pinunasan niya ang luha na muling tumulo sa mga mata niya. Ito na ang huling beses na iiyak siya. Iyan ang ipinangako niya sa sarili.
Tumingin siya sa paligid. Napansin niyang naglalambingan ang magkasintahan sa isang tabi. May kirot na naramdaman si Kylie. Kung sila pa rin ni Pancho ay maaaring gan'yan rin sila ngayon.
Tila traydor na pumatak muli ang luha niya. Napamura siya sa sakit na nararamdaman niya sa kaniyang dibdib.
Huminga siya ng malalim at tumingala. Idinantay niya ang kaniyang ulo sa sandalan ng upuan at umiyak ng tahimik habang nakatingala.
Kailan ba matatapos ang sakit na nararamdaman niya?
"Here's your order, Ma'am."
Pinunasan niya ang kaniyang luha at nagsimula nang kumain.
"Hindi naman kayo magkakatuluyan kung hindi dahil sa akin no." Nagkakatuwaan ang magbabarkada sa kabilang table. Kung sana ay may kaibigan rin siyang matatawagan ngayon.
Si Iza ay may trabaho hanggang sa madaling araw sa call center. Si Aira naman ay may anak na maliit pa at hindi naman niya pwedeng papuntahin sa bar kung nasaan siya, nakakahiya naman kay Fred kung aabalahin niya pa silang mag-asawa.
"Itong si Criz na lang ang wala pang girlfriend eh," biro ng isang lalaki sa katabi niyang tahimik na umiinom ng beer.
"Ano bang pakialam mo?" sabi naman ng isa pa.
Nagtawanan ang magkakaibigan habang kinakantyawan ito. "Baka naman si Ate na naman ang iniisip niyan?"
Napatingala si Kylie sa nagsalita. Kilala niya ang boses na iyon. Boses iyon ng kapatid niyang bunso.
"Karlo?" mahina niyang sabi. Napag-isip-isip niyang makinig pang maigi. Nakakahiya naman kung bigla siyang eeksena at hihilahin sa tainga ang kapatid pauwi sa bahay nila.
Bawal kasi itong maggala hanggang hatinggabi. Tiyak na magagalit ang kanilang ina kapag nalaman nitong umiinom na ang anak niyang bunso.
Beinte-kwatro anyos na ang kapatid niya ngunit isip-bata pa rin ito. Baby pa rin ang turing nila dito dahil nga ika-walo ito nang ipanganak ng kanilang ina.
Tatlong taon ang agwat nila ni Karlo at isang taon naman ang agwat niya kay Karen na ate nila.
"Hindi pa rin maka-get over si Criz?" tatawa-tawang sabi ng isa pa. "Sabagay ako rin eh, ang bait naman niya kasi bonus na lang yung pagiging maganda. Kaso may boyfriend na 'yun p're."
Nananatiling tahimik ang kabilang panig. Hindi na rin niya narinig magsalita ang boses na kahawig ng sa kapatid niya.
"Puppy love lang yun, bro."
"Tigilan n'yo 'yung ate ko ha." Ayun. Si Karlo nga 'yon.
Tumayo si Kylie para puntahan ang kapatid. Pagdating niya sa mesa ng mga ito ay parang hindi pa rin siya napapansin.
Hahampasin pa sana ni Criz si Karlo nang matigilan ang mga ito. Ibinaba ni Criz ang kamay na nakalutang sa ere saka namula ang pisngi nito sa hiya.
"A-Ate..." sabi ni Karlo sabay tayo mula sa kinauupuan. "Anong ginagawa mo dito?" mga nakayuko silang lahat at ang ilan ay napapakamot sa kanilang mga batok. Anim silang magbabarkada na naroon.
Tumingin si Karlo sa kapatid. Kahit na galit ang ekspresyon nito ay halatang kagagaling lamang nito sa pag-iyak. "Umiyak ka ate?" nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Karlo. Mula sa malokong ngiti nito ay nagbago sa pagiging blangko.
Mabilis na inilingon ni Criz ang ulo patungo kay Kylie. Namamaga nga ang mata nito at namumula ang pisngi at dulo ng ilong. Malamang ay kaiiyak lang nito. Kumunot ang noo niya. Bakit naman iiyak ito gayong masaya naman ito sa boyfriend niya. Hindi kaya ay may mabigat itong problema?
"Hindi ako umiyak 'no," pagtatanggi ni Kylie sa kapatid. "Bakit ka umiinom? Sinong nagturo sa iyong uminom ha? Itong mga 'to ba?" turo niya sa mga kasama ng kapatid.
"Hindi ako yan," sabi ni Charles na pinakamaloko sa lahat. "Hindi ako ang nagtuturong uminom d'yan kay Karlo, Ate Ky ha."
"Defensive ang puta!" sabi ni Paul nang tatawa-tawa. "Si Charles 'yon Ate Ky. S'ya nagturo sa aming lahat uminom ng alak."
Lumapit si Kylie kay Charles saka kinurot ito sa braso. "Aray, Ate Ky naman eh! Hindi ko naman sinabing gayahin nila ako eh," sabi nito habang hinihimas ang brasong namumula sa pagkakakurot ni Kylie.
"Kapag ba sinabi ni Charles na kumain kayo ng jebs, kakain nga kayo ha?" nakapamewang na sabi ni Kylie sa kanila habang tinitignan niya ang mga ito ng isa-isa.
"Anong nangyari sa 'yo, Ate Kylie?" seryosong tanong ni Criz kay Kylie na nabigla sa tanong niya. Sa kanilang limang magbabarkada ay sila ni Charles ang pinakamalapit sa pamilya nina Karlo. Madalas silang makitulog sa bahay nila lalo na noong nag-aaral pa sila.
"Ano bang pakialam mo, Crisostomo? Ang intindihin mo eh paano mo ipapaliwanag sa nanay ko 'yang pinaggagagawa n'yo." Sinamaan niya ng tingin ang mga ito saka tinignan ang oras sa kanyang suot na relo. "Mag-a-ala una na Karlo. Uwi na mga bata," sabi ni Kylie saka kinuha ang bag na nasa kabilang table.
Mabilis na nagtayuan na rin ang magbabarkada at nagpaalam sa isa't isa. "Hatid ko na kayo," pagyaya ni Criz sa mag-ate.
Tumango si Kylie at sumakay na sila sa kotse ni Criz.
Habang nasa sasakyan ay hindi mapigilan ni Kylie ang mapalingon sa restaurant na kanina lamang ay naroon s'ya. Wala na ang sasakyan nina Pancho.
Pinunasan niyang agad ang luha na malapit nang tumulo sa pisngi niya. Hindi ba't ipinangako niyang hindi na siya luluha ulit? Huling iyak na niya iyon para sa walang kwentang si Pancho at pamilya nito.
"Nandito na tayo," sambit ni Criz habang nakatingin sa tulalang si Kylie sa backseat. Tulog naman si Karlo sa passenger seat.
"Ate Ky," tawag niyang muli kay Kylie.
Tumingin siya kay Criz saka tumingin sa kapatid na natutulog. "Karlo," hinampas niya ito sa braso ngunit walang talab sa mahimbing na pagkakatulog. "Karlo, ano ba? Hindi ka pa rin ba gigising d'yan?" sinasabunutan na niya ito ngunit hindi pa rin nagigising.
Natawa na lamang si Criz sa magkapatid. Alam niyang hindi magigising si Karlo sa ganyang paraan. Kaya't napagdesisyunan niyang bumaba ng kotse at buhatin na lamang ang kaibigan papasok sa kanilang bahay.
"Salamat Criz."
"Kylie! Anong nangyari sa kapatid mo?" bungad ng kanilang ina sa anak pagpasok pa lamang ng pinto.
"Uminom yan, 'Ma. Pagalitan n'yo," sabi niya sa ina saka pumasok na sa kaniyang kwarto.
"Oh, Criz, gabing gabi na. Dito ka na matulog," dinig niyang sabi ng kanilang ama na kalalabas lang ng banyo.
"Sige po," sabi ni Criz saka tinulungan ang magulang nina Kylie at Karlo sa pagpasok sa kwarto ng lasing na kaibigan.
Nakita ni Kylie ang mga polaroids na kinunan noong nagbakasyon sila ni Pancho sa Baguio. Nakadikit ang mga ito sa pader sa taas ng dresser niya.
Naroon rin ang mga litratong kuha noong pumunta sila ng America.
Isa-isa niya iyong pinagtatanggal at itinapon sa maliit na trash can sa tabi ng dresser. Hindi na magawang tumulo ng luha niya.
Bumuntong hininga siya saka kinuha ang tuwalya at pamalit na damit.
Lumabas siya ng kwarto upang pumunta sa banyo para maglinis at magpalit. Paglabas niya ay ang madilim na sala ang tumambad sa kaniya. Malamang ay tulog na ang lahat.
Saktong paglabas naman ni Criz mula sa banyo kaya't nagulat siya rito. Napahawak siya sa dibdib niya dahil nalaglag siya at napahiga sa sofa sa gulat.
"O, Ate Ky, okay ka lang?" tanong nito ng tatawa-tawa.
Napapikit siya sa inis at hindi muna tumayo mula roon sa pagkakahiga niya. "Sige na, pumasok ka na r'on," sabi niya kay Criz na unti-unting humahakbang palapit sa kanya.
Napahawak siya sa sentido niya habang nakapikit. Sumasakit na ang ulo niya sa labis na pag-iyak ngayong araw. Minasahe niya iyon habang walang kamalay-malay na unti-unti nang lumalapit ang mukha ni Criz sa kanya.
Saktong pagdilat niya ay siya ring paglapat ng labi ni Criz sa labi niya.
Nanlaki ang mga mata n'ya saka niya itinulak palayo ang binata. "Siraulo ka! Anong ginagawa mo?"
Sandaling natahimik si Criz saka nagsalita, "Sorry, Ate Ky."
"Anong sorry?" Binatukan niya ito saka nagmadaling pumasok sa loob ng banyo.
Kinalma niya ng sarili saka naghilamos sa lababo. Bumuntong hininga siya saka tinignan ang sarili sa salamin.
'Ang pangit ko,' bulong niya sa sarili. Kalat-kalat ang make up niya at napakagulo ng buhok. Inamoy pa niya ang hininga at inis na napangiwi dahil amoy na amoy ang ininom niyang beer kanina.
Tinignan niya ng masama ang pinto kung saan galing si Criz. 'Mga bata talaga ngayon, padalus-dalos at hindi nag-iisip.'
Pagkatapos niyang magpalit ay lumabas na siya ng banyo at napatingin sa kwarto ng kapatid. Inirapan niya ito at nagtungo sa kusina para uminom ng malamig na tubig.
"Ate Ky," nakita niyang naglalakad palapit si Criz sa kaniya. Jusko, 'eto na naman 'tong batang ito. "Sorry about what happened. I'm kind of tipsy and nadala lang ako sa emosyon ko kanina."
"Anong emosyon ang pinagsasasabi mo?" Natawa siya sa sinabi ng binata. Isinara niya ang bote ng tubig saka muli itong ibinalik sa loob ng ref. Inilapag niya ang malaking baso na may lamang tubig para maghugas ng kamay. "Okay lang 'yon. Matulog ka na. Sinisiksik ka ba ni Karlo? May extra akong mattress sa kwarto, iabot ko sa 'yo mamaya."
"Ate Ky, I like you."
Napatigil siya sa pagkuha ng baso sa counter. "A-Anong sabi mo?"
"Ang sabi ko, gusto ki-"
"Stop," pigil niya sa sasabihin nito. "Aakyat na ako." She mentally slapped herself. Anong problema ng batang iyon?
Pagpasok niya sa kwarto ay dali-dali niyang kinuha ang mattress sa ilalim ng kama niya.
Ilang sandali pa, nagulat na lang siya nang biglang may kumatok at nagsalita, "Uhh, Ate Ky kunin ko lang sana yung mattress na pinapahiram mo."
"Oo na! Sandali lang, hindi ka makapaghintay?" Pagtataray niya sa kaibigan ng kapatid.
Binuksan niya ang pinto at tumambad sa kaniya ang nakangiting si Criz habang nakasandal sa tapat ng pinto ng kwarto niya.
"Tigil-tigilan mo ako, Crisostomo ha. Hindi ako nakikipagbiruan sa 'yo kaya magtigil ka d'yan. Wala ako sa mood para makipagbiruan."
"Thank you for this, Ate Ky. It smells like you. Goodnight," ngiti nito sa kaniya at naglakad na patungong kwarto ni Karlo.
Inalis niya ang suot na tsinelas na pambahay saka ito binato sa likod ni Criz na natatawang pinulot iyon at ibinalik sa kan'ya ang tsinelas.
Ibinaba ni Criz and mattress na dala sa sahig, saka isinuot sa paa ni Kylie ang isang tsinelas na ibinato nito sa kaniya.
"Dream of me."
Inirapan siya ni Kylie saka padabog na isinara nito ang pinto.
Napasandal si Kylie sa likod ng pinto ng kwarto niya at napahawak sa dibdib habang kinakalma ang pusong tumitibok ng mabilis. "Why am I like this?"








