Prologue
PROLOGUE
Ang gabi ay nakagiginaw—gawa ng malakas na ulan dito sa barangay. Ito ang panahong matagal nang inaasahan ng mga mamamayan, at ito’y naririto na, dumatal mula sa kadiliman.
Ang lahat ay nasa loob na ng kanilang mga tahanan, mayroong sari-sariling pinagkakaabalahan. Bawat patak ng ulan sa bawat bubong ay katumbas ng pumuputok na baril. Maging ang iyak ng sanggol na umaalingawngaw sa loob ng tahanan ay hindi na nakalalabas ang ingay dahil sa lakas ng bagyo. Bagama’t ang ingay ng ulan ay tila naging hele para sa nakararami, samantalang sa iba, ito’y bangungot.
Kasabay ng malakas na ulan ay ang kidlat na panandaliang nagbibigay liwanag sa madilim na kalye. Ang kalye naman na kaninang dinudumog ng karamihan ay ngayon pinalilibutan na lamang ng tumatakbong tubig. Batid ng mga mamamayan na mapanghamon ang maglakad sa lupaing ito sa tuwinang umuulan—sapagkat ang sahig ay kakaiba ang dulas gawa ng maputik nitong daan.
Sa kabilang dako ng lugar na kung saan ang dulo ng barangay ay mayroong mga tumatakbo. Isang dalaga at dalawang binata.
"Tulong!" malakas na bitaw ng dalaga. Siya ay kasalukuyang humahangos, hingal na hingal itong tumatakbo papalayo sa dalawang lalaki na mala-asong humahabol sa kaniya.
Ang dalaga ay wari nanggagaling pa mula sa trabaho dahil sa suot nitong puting polo na tinatambal ng itim na hanggang tuhod na palda.
Ang tatlo ay basang-basa sa ulan, na halos ang puting polo ng dalaga ay dumidikit na sa kaniyang kutis. Ang kaniyang panloob ay sumisilip na sa manipis nitong suot na tela, ang dahilan upang mas labis na magkandarapang maghabol ang dalawa.
Sa tulong ng madulas na daan, ang dalawang lalaki ay tila nahihirapang tugisin ang dalaga. Ang kanilang takbo ay hindi matatag, sila’y paulit-ulit na nawawalan ng balanse at natutumba, mapupuna sa kanilang kilos na sila’y tila... nakainom.
“Tumakbo ka lang, ganda!” sigaw ng isang lalaking nangunguna sa kaniyang kasama, ang mas matanda ang edad at ang wangis kaysa sa kaniyang kasama, ang lalaking nangangalang Sandro. Malaking ngiti pa rin ang nakapinta sa mukha nito bagaman batid ang paghihirap sa pagtugis sa dalaga.
“Bilisan natin, dong. Hindi puwedeng makatakas si Nina. Alam niya ang mukha natin!” sabat naman ng kasama nito. Ang isang ito ay mas bata sa kaniya. Mas bata pa sa dalaga kung tutuusin. Ang binatang nangangalang Ethan.
Panay ang sigaw, tili at hingi ng tulong ng dalaga, subalit kahit gaano pa kalakas ang nililikha nito ay walang tahanan ang kayang makarinig sa kaniyang boses—sapagkat sila’y naririto na—narating na nila ang madilim at madulas na bahagi ng kagubatan, ang naiisip na tamang lugar ng dalawa para sa dalaga.
Ang mga punong nasa paligid ay nabubuhay sa lakas ng hangin, ngunit sila’y naririyan lamang, nananatili, at walang ginagawa. Naisip ng dalaga na kung nakaririnig man ang mga puno at kung ito man ay may mga tainga, natitiyak niyang ito’y hindi mangyayari sa kaniya ngayon.
Paulit-ulit siyang napapalingon, napapalingon, at napapalingon, umaasang hindi maabutan, ngunit sa sandaling naramdaman niyang nakakalapit na ang dalawa, buong katawan itong lumilingon at tumutuon sa kanila. Kaya sa isang hakbang ay nanlaki ang mga mata ng dalaga nang maramdaman ang pagkakamali sa yapak. Siya ay dumulas, at napatid. Pagbagsak ng kaniyang katawan sa maputik na damo, roon niya lamang napagtanto na ang panahon ay tila nag-iba, ito na’y biglang tumahimik. Ang kaninang malakas na ulan ay ngayon humupa na, na halos naririnig niya na rin ang mahihinang tawa ng dalawa sa distansya.
“Nina, sobrang tagal ko nang nasasabik sa ’yo. Alam mo ba ’yon, ha? Alam mo bang araw-araw kitang hinihintay lumabas sa inyong tahanan at inaabangan sa iyong bawat pag-uwi?”
“L-Lumayo ka sa ’kin, Arnold. Malalagot ka sa aking ama!”
“Kahit sumigaw ka pa, hindi ka maririnig ni Kapitan.” Ang ngiti sa mukha nito ay mas lalong lumuwag. Ang isa naman nitong kasama ay kasalukuyang hindi mapakaling tumitingin-tingin sa paligid, nag-aalangan na baka may makakita sa kanila.
“Tara, dong. Bilisan na natin!” sabik na sabi ng binata.
Bumaba ang dalawa sa kanilang mga paa upang pagtulungang pigilan ang paglaban ng dalaga habang malakas din nilang pinaghihila ang kaniyang mga suot. Kumpiyansa ang kanilang nararamdaman. At sa hindi inaasahan ng dalawa, may maibibigay pala ang dalaga. Nagdugo ang ilong ng lalaking si Arnold nang magbigay ng malakas na tadyak sa kaniyang mukha ang dalaga. Siya ay halos lumipad at tumilapon sa tabi. Ngunit itinayo nitong muli ang sarili, at matuling gumapang pabalik sa dalaga. Hindi nito binigyang-tuon ang nararamdamang sakit, sa halip, mas nangibabaw pa lalo ang kaniyang nararamdamang kasiyahan. Ngumisi ito, ngayong abot tainga ang tuwa, kasabikan ay mas lalong umaapaw, at kaniyang isinigaw, ”Putang ina, tumigil ka!" Pagkatapos ay malakas na sinampal ang dalaga. Sa isang sampal na iyon ay tila huminto na ang mundo ni Nina. Ang kaniyang buong katawan ay tuluyan nang bumigay at dumikit sa maputik na sahig. Siya ay natulala na lamang sa isang dako habang nasisilayan sa sulok ng kaniyang mga mata ang dalawa na mayroong pinagkakaabalahan; sila’y tunay na masaya ngayon, batid na nasa kanilang kamay na ang matagal na minimithi. Tunay ngang nasasabik, at nagmamadali—na parang mga batang nagbubukas lamang ng bagong regalo. Walang ibang damdaming umaapaw sa lugar na iyon kundi ang kasiyahan, lalo na noong malaman ng dalawa ang matagal nang ninanais na makita sa katawan ng dalaga.
Ang lamig... ang lamig ng paligid. Ang lamig ng kagubatan. Ang lamig nilang lahat. Naisip ng dalaga.
Nag-abalang tumayo ang lalaking si Arnold upang tanggalin ang kaniyang masikip na pang-ibaba, subalit nasa kalagitnaan na ito ng pagtanggal nang matulin itong napalingon sa likod. “A-Ano ’yon?” tanong nito sa kasama habang ang noo ay nakakunot. Natitiyak niya sa kaniyang sarili na siya’y mayroong narinig sa malayong distansya. Ang hindi nito natitiyak na kung ito ba’y gawa ng yapak o hindi kaya’y gawa lamang ng malakas na hangin sa mga puno.
Ito ay panandaliang nagbigay ng takot sa kaniya, na halos tumindig ang kaniyang mga balahibo nang dumaan ang bugsong tunog sa kaniyang tainga. Ngunit ang payak na paglibot ng tingin nang ilang segundo sa paligid ay nagbigay na sa kaniya ng katiyakan na ito ay wala lamang. Kaya siya ay nagpatuloy, at tuluyan nang ibinaba ang kaniyang pang-ibaba.
Naramdaman ni Nina ang malakas na hangin na dumaan sa kanilang paligid. Napuna niya rin na ang kaninang malakas na ulan ay ngayong ambon na lamang. Ang tanging naririnig niya na lamang sa mga oras na iyon ay ang dalawang nagkakandarapang lalaki at ang tunog na “Tik-ik tik-tik” na hindi alam kung ito ba’y gawa ng ibon o hindi kaya’y mga dahon lamang na kumakaluskos. Ibon? Sa gabing ito? Pagtataka niya. Marahil nagising ko sila dahil sa aking malakas na pagsigaw. Inisip nito.
Hindi ordinaryo ang mga nangyayari ngayon. Ito’y sobrang kakaibang gabi. Ganito ba talaga ang nangyayari bago ka kunin sa mundong ito? Hindi na bale, ang kamatayan ay ang kamatayan, at narito na siya upang kunin ako.
“UGHCK.” Kakaibang tunog ang nanggaling mula sa matandang si Arnold. Ano ’yon? Pagtataka ng dalaga. Kakaiba ang nililikha niyang tunog... na para bang ito’y nahihirapang huminga. Dahil doon, napatingin ang dalaga. Ang lalaking ito ay kasalukuyang wala nang pang-ibaba sapagkat katatanggal niya lamang nito, ngunit hindi ito ang kaniyang binigyan ng tuon. Kumunot ang noo ng dalaga. Ano ang nasa leeg ng lalaki?
Mayroong kulay pula na animo’y makapal na tali ang nakabalot sa kaniyang leeg. Dahil sa duda, tiningnan niya ito nang mabuti.
Hindi... hindi ito tali. Isa itong dila. Isang mahabang dila.
Napasigaw sa takot ang isa nitong kasama na nakahawak sa magkabilaang braso ng dalaga. Siya’y napatayo at napaatras, hindi alam ang gagawin, natatarantang napapaturo sa kasama na wari mo’y makatutulong sa kalagayan ng kaibigan.
“UGGH... UGHCK”
Sa bawat segundong dumaraan ay mas lalong humihigpit ang nakabalot sa leeg ni Arnold, na tipong maging ang dila nito’y nakalabas na rin. Mula pa lang sa tunog na kaniyang nililikha, halatang tunay nga itong nahihirapang makahinga. Ang dalawang kamay niya’y pilit niyang inaabot sa kaniyang kasama, sabik na mabigyan ng tulong. Ngunit ang kasama naman nito’y napaatras lamang, nanatiling nanginginig, nakatitig at hindi alam ang gagawin.
Sa isang kurap, naglaho ang kasama ng lalaking si Ethan nang ito’y hilahin sa kadiliman ng kagubatan.
“Nasaan siya?” tanong ni Ethan kay Nina, siya ay naghihintay ng sagot, tila inaakala na ang dalaga ay isa sa kanilang kasama. “Dong!” malakas niyang sigaw.
Ang babae na kaninang sumuko na, ay ngayong muling nabuhayan. Para sa kaniya, ang kaniyang nasaksihan ay mas nakakikilabot pa kaysa sa binabalak gawin ng dalawang binata sa kaniya.
Anong nangyayari? Pagtataka niya.
Ang lalaki na nakatayo sa kaniyang tabi ay paikot-ikot at paulit-ulit na nililibot ang tingin, nagbabaka-sakaling mayroong bumalik. Marahil ang kaniyang kaibigan, o hindi kaya... ang kakaibang...
Nilalang? Naisip ng dalaga. Ito na ba ang sabi-sabing matagal nang nakakalat sa aming lugar? Ang haka-haka na sa kuwento lamang nabibigyang buhay?
Mula sa inaasahan ng binata—mayroong bumalik, ngunit sa halip na ito ay ang kaniyang kaibigan, ito’y bugso ng tunog lamang. Ang kakaibang tunog na nagpatayo sa kaniyang balahibo sa sandaling ito’y umalingawngaw mula sa kadiliman.
“Tik—tik—tik... Ik—ik—ik—ik—ik”
Napansin ng dalaga ang pagtalon ng binata sa takot. Ang kaniyang biglaang tili na ang nagbigay ng kaniyang nararamdaman, pati na ang buong katawan nitong nanginginig habang ang tingin ay nililibot sa kawalan. Dahil sa matinding takot, nagsimula na itong tumakbo palayo sa dalaga.
Rinig ng dalaga ang tunog ng damong papalayo sa kaniya, kasabay rin no’n ay ang humuhupang tunog ng mga kumakaluskos na talahib. Naririnig niya ito nang maayos at malinaw, ngunit sa isang sandali, siya’y napakunot-noo nang biglang maglaho ang yapak na ito sa kalagitnaan ng pagtakbo.
Wala na rin siya, marahil kinuha na rin. Kaniyang inisip. Ano na kaya ang mangyayari?
Katahimikan lamang ang pumaligid pagkatapos. Sa isang sandali ay napag-isipan ng dalaga na buhatin ang kaniyang sarili. Siya’y gumapang patungo sa puno at nagbitaw ng buntong hininga nang makasandal dito.
Ramdam niya ang lamig ng gabi. Ang kaniyang mga natanggal na suot ay natabunan na ng putik. Ang kaniyang kaninang puting polo ay ngayong kasing kulay na ng gabi.
Kanina’y maingay, ngunit bakit ngayon tahimik na lang? Maging ang panahon ay sumang-ayon at naglaho kasama ng dalawa. Marahil nakinig ang mga puno sa aking hiling. Nakakarinig naman pala sila pagkatapos ng lahat. Nasaan na kaya ang dalawa? Hindi na bale. Kahit anong mangyari, sa akin pa rin patungo si kamatayan. Maging ako na biktima ay hindi nito pakakawalan. Napangiti na lamang ang babae. Sa sandaling ito ay tinanggap niya na ang kaniyang kapalaran. Inayos niya ang pagkakaupo at ginawang kumportable ang pagsandal sa puno.
Kakaiba nga talaga ang gabi ngayon.
Nakarinig siya ng yapak sa distansya. Ito na ang kaniyang hinihintay. Ang kaniyang inaasahan, papalapit na sa kaniya. Tuloy-tuloy na yapak ang kaniyang naririnig hanggang sa namalayan niya na lang na nakatayo na ito sa kaniyang harapan.
Ramdam ng dalaga ang anino nitong kumakalabit sa kaniya. Bagama’t siya’y puno ng pang-uusisa, natatakot pa ring tumingin ang babaeng si Nina. Ngunit siya’y napaisip, hindi ako maaaring pumanaw nang hindi nakikita ang hahatid sa ’kin. At dahil doon, siya’y lakas loob na tumingala.
Mayroong hubo’t hubad na nakatayo sa kaniyang harapan. Hindi niya kayang makita ang mukha nito gawa ng madilim na paligid, ngunit nakikita niya naman ang silweta nito sa dulot ng liwanag ng buwan. Ang kaniyang kutis ay may pagkalawlaw na, at ang buhok naman nito sa ulo ay naubos na. Isang lalaki. Napagtanto niya. At ang kaniyang tindig... ang kaniyang tindig ay ang muling nagpakilabot sa dalaga. Ito’y nakatayo nang tuwid, subalit ang tindig ay may pagkakuba na. Mula pa lang sa hugis ng katawan nito, masasabi niya na ang nilalang na nasa kaniyang harapan... ay isang matanda.
Bakit gano’n? Pagtataka ng dalaga. Kasalukuyan niyang nakikitang gumagalaw ang dila nitong mahaba sa kaniyang harapan, na tila ito’y tumitibok kasabay ng kaniyang dibdib, subalit, ang puwesto nito ay hindi lumalapit sa kaniya, hindi rin lumalayo, ito’y nananatili lamang.
“Tapusin mo na... parang awa mo na... ano pa ang hinihintay mo?” pagmakaawa ni Nina sa mataimtim na tinig. Sobrang hina ng kaniyang pagkabigkas na tila naisip niya na siya lang din ata ang nakarinig sa kaniyang namutawi. Sa huling pagkakataon, umiling ang babae at napangiti. Madiin niya na ring ipinikit ang mga mata at hinintay na lamang ang nakatadhana sa kaniya. Simula nang gawin niya iyon, wala na itong takot na nararamdaman, kahit galit, inis, at tuwa ay naglaho na sa kaniyang katawan. Ramdam niya na pagkatapos ng gabing ito, magiging payapa na ang kaniyang buhay, walang suliranin, iniisip at mararamdaman. Marahil siya’y magiging isa na rin sa kanilang mga kinatatakutang lumulutang na walang damdamin, ang isa sa maglilibot sa kagubatang ito tuwing gabi na walang layong pag-iiral. Isang multo. Marahil.
Dalawampung segundo ang lumipas na para sa kaniya’y tila isang oras na... at wala pa ring nangyayari. Sa sandaling ito, ang tunog ng mga pumapatak na ambon, maging ang paghuni ng mga kuliglig, at ang paghinga ng matanda sa kaniyang harapan ay tuluyan nang naglaho.
Patay na ba ako? Naisip niya. Upang malaman, mabagal niyang binuksan ang kaniyang mga mata.
Sa madilim at lingid na bahagi ng kagubatan ng barangay ay wala nang ibang makikita kundi ang kadiliman. Ngunit sa paningin ni Nina, ito ay maliwanag at malinaw.
Napakunot-noo ang dalaga. Saan siya nagpunta? Tanong niya sa kaniyang sarili habang paulit-ulit na nililibot ang tingin, tinitiyak kung tama ba ang kaniyang nasisilayan.
W-Walang tao. Wala nang nasa paligid.
~=~=~=~