Tempus Occidendum
Share with your friends
Customize readability

Tempus Occidendum

All Rights Reserved ©

Summary

Tempus Occidendum

Status
Complete
Chapters
1
Rating
4.2 (6 reviews)
Age Rating
18+

Tempus Occidendum

Nagdedeliryo ang lansangan sa malamig na daloy ng panggabing hangin. Ang usok na nagmumula sa paglapat ng hamog sa lupa ay dumaragdag sa eksotikong atmospera ng kapaligiran. Bilog na bilog ang buwan na tila nagmamatyag sa abang panginorin. At dumarampi na naman ang karimlan sa lupaing uhaw sa dugo at pawis. Habang ang alulong ng mga aso ay sumasabay sa ingay ng gabi.

Madilim—umiikot nang mabilis ang antigong relo na pamana ng yumao kong Lolo. Sa paglapat ng maalinsangang hangin sa aking balat ay ang pagbukas ng aking ikatlong mata.

Tumunog ang ika-walo nang gabi—ang pagsisimula ng laro para sa mga kaluluwa.

Dala-dala ko ang itim na kandila, habang ang liwanag nito ay aandap-andap sa saliw ng huni ng mga panggabing ibon. Kulob ang nakabibinging katahimikan na nagbibigay ng kakaibang atmospera sa buong lugar. Ramdam ko ang samyo ng sariwang dugo at mga nabubulok na laman... laman ng mga nilalang. Sa pagliko ko sa pasilyong aking tinatahak, bumungad sa akin ang napakalaking bulwagan kung saan nakabitin ang mga patay na tao.

“Isang masarap na piging! Isang napakasarap na piging!” sigaw ko na umalingawngaw sa buong silid. “Tempus occidemdum! Tempus occidemduuuuuum! A delectabilem usum mortalium festum felicis olim uiridisque!”

Kinuha ko ang aking gintong punyal at tinusok ang mata ng isang nilalang. Agad ko itong kinagat at pumulandit ang malapot na dugo na agad nagpasarap sa aking panlasa. Dala nang pagkasabik sa dugo at laman ng mga mortal, marahas kong biniyak ang nilalangaw na ulo, pinatulo sa antigong relo, at---

“Tok! Tok! Tok! Tok!”

Kalampag ng kung sino mang hangal na nasa labas.

“Tok! Tok! Tok! Tok!”

“K-kuya, buksan mo ang pinto! K-kuya, buksan mo ang pinto! K-ku—”

Agad akong napabalikwas sa aking higaan at pinahid ang tumulong laway sa aking bibig. Tinalon ko ang nakaharang na lamesa at dagling binuksan ang pinto. Ramdam ko ang malakas na pagkabog ng aking dibdib. “Anong problema na naman Sayfhir?”

“M-may n-natagpuan bangkay sa batis ng Laboda, walang mga mata!” bulalas niya sa pagitan nang paghingal habang nakakapit sa aking braso. “W-walang mga mata ulit, K-kuya! G-gumagala na naman ang a-anino ng dilim!”

“Kumalma ka nga, hindi ko maintindihan ang sinasabi mo.” Dagli kong binuksan ang bintana at pinagmasdan ang kadiliman sa labas—naroon na ang tunog ng animas at kakaibang huni ng gabi. “Nasaan sina Itay at Inay?”

“Sumama sa pagpunta roon. Huwag mong sabihing pupunta ka ro’n, Kuya?” Hinawakan ni Sayfhir ang aking mga kamay. “K-kuya, huwag ka nang pumunta ro’n! Wala akong kasama rito! Kuya, huwag ka nang pumunta ro’n!”

Batid ko ang takot at pag-aalala ng aking kapatid. Marahan kong tinanggal ang kanyang mga kamay at mahigpit siyang niyakap. “Dito ka lang Sayfhir, isarado mo ang bintana at pinto, huwag kang magpapapasok nang kahit na sino, bantayan mo itong bahay, titingnan ko ang pi--, ang bangkay.”

“K-kuya natatakot ako, natatakot ako… huwag ka nang pumunta ro’n… p-pero... na---”

Hindi ko na pinakinggan ang iba pa niyang mga sasabihin. Agad kong kinuha ang aking itim na talukbong at nagmamadaling lumabas sa aming bahay.

Muling bumilis ang pag-ikot ng antigong relo.

Sino na naman kaya sa mga taga-rito ang pinaslang ng halimaw?

Binagtas ko ang daan papuntang Laboda—naririnig ko na naman ang huni ng gabi. Ganito rin ang mga naririnig kong huni tuwing sasapit ang tempus accidendum o ang oras para sa pagpatay na ibinahagi sa akin ng yumao kong Lolo.

Mga ilang sandali pa’y natanaw ko na ang komosyon. Nagkakagulo ang mga tao at ang ilan ay ’di maawari kung naaawa o natatakot sa kanilang nasaksihan. Naroon ang pinaslang, nakahandusay sa may gilid ng batis, habang ang ulo nito’y nakalublob sa malansang tubig. Maraming matatanda at bata ang nagkumpulan at kanya-kanya nang haka-haka sa naganap sa pagpaslang. Sumali ako sa kumpulan ng mg tao at naki-usyoso sa kaganapan.

“Hajid, ba’t narito kang bata ka?”

Nilingon ko ang tumawag sa akin, at sinino iyon. Si Inay pala. “Tinitingnan ko lang ho kung sino ang namatay.”

“Si Lakuwe, bunsong anak ni Mang Jhabar at Aling Sowala, wala ang mga mata nito nang ito’y matagpuan. Ang sabi ni Ka Usbel, ang anino na naman sa dilim ang pumaslang,” nalulungkot na saad ni Inay. “Ka-awa-awang bata, hindi na niya matutupad ang mga pangarap na para sa kan’ya. Nag-iisang anak pa mandin!”

“Nasaan si Itay, ’nay?” tanong ko kay Inay nang mapansin kong wala sa kumpulan ng mga tao si Itay. “Hindi ba kasama n’yo siya kanina pag-alis sa atin?”

“Sumama ang iyong Itay sa kabilang barangay upang kaunin ang matandang ermitanyo na laging tumulong sa ating barangay tuwing nanamantala ang anino ng dilim,” mahabang tugon ni Inay, “Papabindesyunan nina Mang Jhabar at Aling Sowala ang bangkay ng kanilang anak bago ilibing, upang ang kung sino mang pumaslang sa kanilang anak ay makonsensya sa krimen na ginawa.”

“Sigurado ho ba kayong ang anino ng dilim ang pumapaslang?”

“Ay sino ba naming tao ang gagawa ng gan’yang kahindikhik na krimen?” nanggagalaiting tugon ni Inay. “Kung sino man ang pumapatay, sana ay masunog na siya sa lupa kahit sa impyerno talaga ang bagsak niya! Dy’os ko pong mahabagin, sana po ay pagbayarin n’yo na ang pumapatay!”

Napangiti ako nang mapakla. Ramdam kong naririto pa ang salarin. Nagmamasid sa ginawang pagpaslang. Sa pagbaling ko sa dulo ng batis, nakita ko ang anino ng dilim na tinutukoy ni Inay. Nakangisi! Tumutulo pa ang laway at kapit ang mga mata ni Lakuwe. Waring nagpapakitang gilas sa pinakitang dahas! Malakas na nilapirot nito ang mga mata, dinilaan, at sinimut ang mga tumutulong dugo. Sa muling pag-ngisi nito---

“Hoy, bata ka! Ba’t mo iniwan si Sayfhir?” Tapik ni Inay sa aking braso na nagpabalik ng aking diwa. “Hoy, Hajid, nakikinig ka ba! Hoy, lintek na batang ito talaga!”

“H-haaa?” gulat kong tugon kay Inay.” Ano ho iyon, Inay? May sinasabi ho ba kayo?”

“Bakit mo iniwan ang iyong kapatid?” ulit ni Inay.“Kanina pa ako dito nagsasalita, hindi ka nakikinig!”

Isang hudyat upang lingunin ko ang dulo ng batis. Nawala ang anino!

Saan ito nagtungo?

“Ano bang tinitingnan mo ha?” bulalas ni Inay. “Para kang nakakita ng sampung demonyo at mga sinumpang engkanto! ’Ka ko, yung kapatid mo, bakit mo iniwan sa bahay? Kita mong gumagala na naman ang anino ng dilim! Lagi mo nang iniwang mag-isa ang iyong kapatid, baka iyon naman ang mapahamak, lintek ka!”

“A-ah, e-h, wala ho, akala ko may nakatayong tao sa dulo ng batis e, sige Inay, uuwi na ako, pupuntahan ko si Sayfhir.”

Muli kong nilingon ang batis, naroroon ang bangkay na pinaslang na ngayon ay inaahon na ng mga kalalakihan—tumatagas ang dugo nito sa nabutas na mga mata. Maka-ilang sandali pa’y nagmamadali kong nilisan ang lugar at binagtas ang daan patungo sa aming tahanan. Tiningnan ko ang kalangitan, kasing itim ng gabi ang mga ulap at nakasiwang ang bilog na bilog na buwan. Nagmamatyag para sa isa na namang kaganapan. Humuhuni ang mga panggabing ibon na hindi magkamayaw sa obrang nasaksihan ngayong gabi.

Napansing kong mas bumilis ang pag-ikot ng antigong relo.

“Masama ito!” bulalas ko sabay buga ng hangin. “Masamang-masama ito! Huwag naman sana…”

Nagmamadali akong tumakbo, at ’di inalintana ang matatalas na bato sa daraanan. Naririnig kong muli ang animas ng kadiliman na siyang nagpapakabog nang malakas sa aking dibdib. Sa pagliko ko sa matalahib na daan at paglampas sa rumaragasang talon sa gilid ng nayon na tila sumasabay sa orasyon para sa mga kaluluwa, mabilis kong narating ang aming tahanan. Binuksan ko agad ang pinto at agad pumasok. Sumalubong sa akin ang malamig na hangin at nakabibinging bahaw na katahimikan.

“Sayfhir, ’asan ka?!” alingawngaw ng aking tinig sa loob ng kabahayan. “Sayfhir, ’asan ka ba? Sumagot ka, Sayfhir! Sayfhiiiiiiiiiiiiiiiiiiir!”

Walang tumugon. Butil-butil na pawis ang namumuo sa aking noo. Tinitigan ko ang aking mga paa na tila hinihila upang humakbang ako paakyat ng hagdan.

“Blaaaaaaaaag!”

Napaigtad ako sa kalampag sa isa sa mga silid. “S-sayfhir, na-nasaan ka?”

“K-kuyaaa tulooong!” mahinang boses ng aking kapatid. “K-kuyaaaa, t-tulungan mo ak… k-u---”

Sa k’warto ko—

Mabilis kong binuksan ang pinto at tumambad sa aking ang nakalutang kong kapatid. Nasa ilalim nito ang anino ng dilim, nakangisi nang nakakatakot habang ang kadiliman ay nakapalibot sa katawan ni Sayfhir. Hindi na ako nagtaka kung bakit narito ang halimaw na ito sa aming tahanan. Sa muling pagngisi ng anino ng dilim ay hudyat nang pagbabalik ko sa aking wisyo.

“Huwag mo siyang sasaktan... H-hespa!” may bikig sa lalamunang utos ko sa demonyong pumapaslang. “Lumayo ka sa kapatid ko! Lumayo ka kay Sayfhir!”

Ngumisi ang anino na parang nang-uuyam, “Narito ka na Hajid! Buti dumating ka sa tamang oras— sa temus occidendum!”

“Huwag mong sasaktan ang kapatid ko!” Babala ko sa kan’ya at inalis ang aking talukbong, habang kinakapitan ko nang mahigpit ang antigong relo. Bumukas ang laman sa aking noo at iniluwa nito ang aking kulay pulang ikatlong mata.

“Hindi mo ako kaya Hajid. ’Yang ikatlong pulang mata mo ba ang ipampapatay mo sa akin? Hahahaha,” halakhak nito na pumuno sa buong silid. “Hindi mo ako matatakot sa ganyan! Isa ka lang mortal na mahinang nilalang!”

Inilabas ko ang gintong punyal at iwinasiwas sa kan’ya. “Kahit kapalit pa ang buhay ko, gagawin ko ang lahat para maprotektahan ang aking kapatid! Makuntento ka sana sa mga ibinibigay ko! Isa kang masahol na demonyo, Hespa!”

“Wala kang nang magagawa, Hajid, walaaaaaaaaaaaaa,” patuyang sigaw ni Hespa habang iniikutan ang nakalutang kong kapatid.“Sa akin na ang kapatid mong si Sayfhir! Siya ang kabayaran sa mga kulang na mga bangkay na nilalang na hindi mo dinala sa bulwagan! Sa akin na siya!”

Muli kong iwinasiwas ang gintong punyal sa anino ng dilim at bumulong ng orasyong itinuro ni Lolo upang protektahan ang aking spiritwal na isipan at katawan,” Domine, ad me venire vi petere, ut scuto confirma spirituali dissipatum est tenebrae et umbra occidit nostris! Frater quoque caliginis et umbrae se ab altero vitae periculo!"

Nalaglag ang kapatid ko sa kama matapos kong banggitin ang sagradong orasyon, ngunit mabilis naman akong dinaluhong ni Hespa. Tinusok nito ang aking braso gamit ang kan’yang dila at sinipsip ang aking dugo. Pumulupot ito nang marahas sa aking leeg, ngunit mahigpit kong hinawakan ang gintong punyal at buong lakas na isinaksak ito sa kan’yang dila.

“Ahhhhhhhhhhhhhhhh!” nakahihindik na sigaw ng anino sa dilim na si Hespa.“Magbabayad ka, Hajid! Magbabayad ka mortal na hangaaaaaaaal!”

Natahimik ang paligid pagkaraan nang pagsigaw, habang naglalaho naman sa dilim ang anino ni Hespa. Pumupulandit pa ang aking sariwang dugo, dulot nang pagtusok ng anino. Maka-ilang segundo nang pag-inda sa pagtusok na tinamo, pinuntahan ko ang aking kapatid sa kama habang tinatalian ang aking braso, gamit ang nasirang manggas ng aking kamiseta mula sa pakikipagbuno kay Hespa. Isinuot ko ang antigong relo sa kamay ng aking kapatid na pamana ni Lolo, na prumoprotekta sa pagkontrol sa akin ng demonyo.

“Sayfhir gumising ka!” Yugyog ko sa aking kapatid na tulala at namumutla. “Sayfhir, n-nandito na si K-kuya, gumising ka! Sayfhir!”

Marahas na tumaas ang kamay nito at akmang sasakalin ako sa leeg. “Hindi ako si Sayfhir!”

Napaatras ako sa pagkagulat at nagmamadaling tumakbo pababa ng hagdan. Ayokong pati ang kapatid kong si Sayfhir ay lamunin ng kadiliman. Kailangan ko nang tapusin ang laro para sa kaluluwa. Kinuha ko ang kandilang itim na nagbibigkis sa amin, sinindihan at humarap sa salamin. Kitang-kita ko ang nakapulupot na anino sa aking katawan—si Hespa.

“Huwag mong gagawin ’yan Hajid, mamatay ka!” wika nito habang nanlilisik ang mga mata. “Isa kang hangal, Hajid, isang mortal na hangal!”

Hindi ko na muling pinakinggan ang kan’yang kahilingan. Sa loob ng dal’wampung taon, laging siya ang nasusunod. Siya ang dahilan nang hindi matigil na kamatayan sa aming bayan at ngayon ay ’di na niya makontrol ang pagpatay. At sa gabing ito’y gusto ko nang wakasan ang aking paghihirap at ng bayang ito, pati na rin ang pagpaslang ng kakambal ko.

Sa huling sulyap sa aninong pilit kumakawala sa aking katawan, sa pagilaw ng antigong relo sa kamay ng aking kapatid, itinaas ko ang sagradong gintong punyal, at buong lakas itong itinarak sa aking noo, habang binibigkas ang orasyong magtatapos sa kadiliman ng bayang ito,

“Et concludere, quod ludus sit ad animam!”

Let Hari Salazar know what you thought about this chapter!

Further Recommendations

Forced To Love

Cristal_A: Such a great love story! Amazing how fate brought them together and how they were able to get pass all the drama. Love your books!

Read Now
Fallen Angel

Suiihera: OMG, I just finished reading your story, and I really enjoyed it! The world you've created is fascinating. As I was reading, I could easily picture the characters, emotions, and key moments unfolding visually.Have you ever considered adapting it into a visual storytelling format such as a comic, man...

Read Now
In Between Two Alphas

YukkeTee: This omega-centric ABO story crafts a touching tripartite love between one vulnerable heroine and two distinct alphas. Plagued by clan prejudice and deadly schemes at first, the trio struggles hard to fight against outdated mating rules and vicious foes. After collecting ancient legal records and ov...

Read Now
Furry Humans

StoryWeaverX: I came across your work and it hit differently. I have a perspective on it I think you'd find interesting mind if I share?

Read Now
Claimed by Love

Sharna: This story grabbed me and would not let go at all what a roller coaster.I have foundva new author to add to my list.Well done great story great writing you have a bright future ahead

Read Now
Feeders - Max and Axle

Max1andRuby2: I was liking the story idea and got through a few chapters, but had to stop as the writing itself was so poor. It’s written simply, (the narrative and dialogue are basic and choppy) with many grammatical and spelling errors. I would love to see this rewritten with significant editing to correct the ...

Read Now
The Dating Game

Radija: Sabe aquela sensação de felicidade que aquece o peito e conforta? É assim que estou me sentindo ao fim desta linda estória.

Read Now