Prologue.
PROLOGUE.
"Mommy, kwentuhan niyo po ako ng story." Sabi ng anak ko. Pinapatulog ko na kasi siya kaso halatang ayaw niya pang matulog kaya nagpapakwento siya.
"Sige pero pagkatapos ay matutulog ka na ah?" Nakangiti siyang tumango at inayos ko ang kumot niya nang umupo na siya sa kama niya.
"Ito ay tungkol sa Puissant Kingdom. Ang Puissant Kingdom ay isang lugar sa Magique." Paninimula ko.
"Ano po ’yung Magique at Puissant Kingdom?" Napangiti ako sa kaniya. ”Ang Magique ay ang lugar kung saan nakatira ang lahat. Mga diwata, mage, magicians, sirena, warlock at ang mga diyos at maraming iba pa." Sagot ko.
"Ang Puissant Kingdom naman ay ang kaharian ng mga makapangyarihang mage sa buong Magique." Dugtong ko pa.
"Ang Puissant Kingdom ay orihinal na iisang kaharian lang kaso..." Napapikit ako nang naalala ko na naman ang mga nangyari noon.
"Kaso po ano mommy?" Inosenteng tanong ng anak ko. ”Kaso dahil sa pagiging sakim nila sa kapangyari ay nahati ito sa anim na magkakaibang kaharian." Pagpapatuloy ko.
"Kaharian ng Viento para sa hangin. Dito naninirahan ang reyna ng mga mage na si Reyna Lapresa."
"Dito din sa kaharian na ’to nakatira ang anim na prinsensa ng kaharian na naggaling sa iba’t ibang hari at kaharian na nakapalibot sa Viento."
"Anak din po ba sila ng reyna?" Tumango ako bilang sagot sa kaniya. ”Pero lahat sila ay nanggaling sa magkaka-ibang ama kaya kahit kailan ay hindi sila naging magkasundo." Sagot ko.
"Hindi kasi nila matanggap na meron silang kaagaw sa posisyon ng kanilang ina sa pagiging susunod na reyna. Mga sakim ang mga prinsesa sa kapangyarihan at posisyon pwera lang isa." Napangiti ako nang naalala ko siya.
"Ang prinsesa ng Agua at siya din ang pinakamalakas na prinsesa sa lahat." Nakangiting saad ko. ”Siya lang ang nag-iisang hindi sakim sa kapangyarihan at posisyon." Dugtong ko pa.
"Ang kaharian ng Agua ay para sa tubig. Ang kaharian naman ng Fuego ay apoy, ang kaharian ng Tierra ay lupa, kaharian ng Ligero ay liwanag at ang Oscuro ay kadiliman." Mahabang saad ko.
"’Yan ang anim na magkakahiwalay na kaharian sa Puissant Kingdom." Hinawakan ni Cyan ang kamay ko. ”Naging maayos po ba ’yung kaharian?" Nginitian ko siya at hinalikan sa noo.
Ngayon pa lang magsisimula ang totoong kwento tungkol sa Puissant Kingdom...
•••• END OF PROLOGUE. ••••








