Panimula
"Rod, gising."
"Rod, naririnig mo ba kami?"
"Rod, lumaban ka naman."
Hindi ko na alam. Hindi ko na kaya. Ayaw ko na. Pagod na pagod na ako. Puwede na bang sumuko?
"Rod, makinig ka sa amin. Nandito lang kami. 'Wag kang mawawalan ng pag-asa."
Yung mga taong nagsasabing huwag ako sumuko, isa sila sa mga taong dahilan kung bakit ako nagkakaganito. Sila ang dahilan kung bakit ako nasasaktan at nahihirapan. Sila yung dahilan kung bakit wala na akong maramdaman ngayon.
"Rod."
Paulit-ulit.
"Rod."
Nabibingi na ako sa tahimik na mga boses nila. Parang sirang plaka na ayaw maalis sa isip ko. Parang nakaukit na sa mga ugat ko ang tono ng mga hinaing nila.
"Rod."
Hindi ko na alam kung saan ako makikinig. Sino ba ang tama? Saan ba ako magiging masaya?
"Rod."
Gusto ko lang naman mawala yung sakit.
"Rod."
Ayaw ko na.
"Rod."
Tama na.
"Rod."
Tama na. Please.
"Rod."
Sumigaw ako nang pagkalakas-lakas. Umaasang mawawala na lang silang lahat, at nagtagumpay ako. Lahat sila nanahimik, wala nang ni isang kumibo. Luminga-linga ako habang hinahabol ang paghinga. Naramdaman ko rin ang malalamig na pawis habang malakas ang kabog ng aking dibdib.
Ngayon ko lang napagtanto ang dilim pero maliwanag sa paningin ko ang gulo ng paligid. Tambak ang mga gamit ko. Makalat ang buong kwarto. May mga basag at punit-punit na gamit sa lapag. Maski ang kamang inuupuan ko ay hindi man lang yata napagpag.
Pati ang binti ko, ngayon ko lang napansin ang mga galos ko. May mga pasa at gasgas pa ako na Halatang sariwa pa. Pinasadahan ko ng himas ang mga ito dahilan para makaramdam ako ng kirot. Doon ko rin napansin ang kaliwang braso ko, malapit sa pala-pulsuhan, na puro sulat gamit ang tinta ng ballpen. Pinagmasdan ko 'to nang maigi at napuna ang ganda ng pagkadumi nito.
Mga pakurbang linya, malaya't kung saan-saan ang punta. Parang walang hangganan. Nakapalibot ito sa mga direstong linya na nakatiro sa pitong direksyon, maliban sa pa-norte.
Napangiti ako. Gusto ko yung... permanente.










