Unang Pahina
De Omnibus Dibitandum Est
NAGSIMULANG MAGKAGULO ang mga tao nang makarinig ako ng isang nakakikilabot na tili. Napakalakas noon na kahit malayo ang pinanggalingan ay rinig na rinig ko pa rin ito.
Napalingon ako sa kabilang dulo ng pasilyo ng ikatatlong palapag at agad napahimas sa magkabigla kong mga braso nang magtaasan ang mga balahibo ko. Lahat sila ay naguunahang makapunta sa kung saan ko naipaling ang aking tingin. Alam kong doon nanggaling ang pagtili.
Napansin ko ang kanilang mga damit. Bakit sila nakasuot ng purong puti na uniporme samantalang hindi naman iyon ang suot namin dito sa building? Ano ba ang nangyayari?
Inilibot ko ang aking tingin sa buong pasilyo. Mukha namang normal. Nandito pa rin naman ako sa main. Wala naman akong nakikitang kakaiba. Parehas ang ayos ng lahat pati na rin ang disenyo sa labas kung saan tanaw na tanaw mula rito dahil bukas ang gitnang bahagi ng building kung saan may mga maliliit na gazebo na maaari mong tambayan sa ground floor. Madamo rin ang bahaging iyon na pinalilibutan ng mga pasilyo ng bawat silid.
Muling naibalik ang atensyon ko sa mga hindi magkamayaw na tao. Takbuhan doon, takbuhan dito. Napakunot na lang ang aking noo nang masundan pa ng ilang mga tili at iyak ang mga iyon.
Wala akong naiintindihan sa mga nangyayari.
Nagkibit-balikat ako at naglakad na kahit na may bumabagabag akong isipan at unti-unti na ring bumibilis ang tibok ng puso ko. Ilang hakbang na lang kasi ay abot ko na ang silid namin. Nahawakan ko na ang door knob pero nang masilip ko sa salamin ng pinto ang loob ng silid ay napahinto ako.
Bakit iba ang ayos ng kwarto namin? Ano na naman bang kalokohan ito?
Tinignan kong maigi ang mga nakaupong estudyante at laging gulat ko, hindi ko kilala ni isa ang nasa loob. Lahat sila ay tahimik na nakikinig sa propesor na kahit kailan ay hindi ko man lang nakasalubong sa building na ito. Tulad ng uniporme ng mga taong nasa labas, ganoon din ang suot ng mga nasa loob.
Hindi kaya mali ang room ko?
Iniangat ko ang tingin ko kung saan makikita ang number ng room. Three, sixteen. Tama naman ito. Nasa ikatlong palapag ako ng building at nasa ika-labing anim na silid ako mula sa kaliwa. Sinilip ko ang direksyon na pinanggalingan ko at napansin kong tama naman ang pagkakasunod-sunod ng numero sa bawat silid.
Inikot kong muli ang aking tingin sa labas at may napansin nga akong kakaiba. Hapon ang klase ko pero bakit napakaliwanag sa labas? Tama naman ang pasok ko kanina matapos kong mananghalian sa bahay.
Napakagat ako sa aking labi nang hindi ko na mawari ang nangyayari. Hanggang ngayon ay maingay pa rin sa labas. Susubukan ko na sanang pumasok sa silid para magtanong na rin sa propesor nang bigla itong lumingon sa gawi ko.
Napatigil nga ako sa pagpihit ng door knob nang kunutan niya ako nang noo. May kakaiba sa tingin niya. Muli niyang hinarap ang klase at nagsalita saka dahan-dahang nagtungo sa gawi ko.
Bahagya akong umatras pero hindi sapat iyon para hindi niya ako matamaan sa biglaan niyang pagbukas ng pinto na akala mo ay hindi niya ako nakikita.
Napaupo ako sa sahig dahil sa lakas ng pagkakabukas niya sa punto. Yumuko ako at dahan-dahan hinilot ang siko ko na ipinangtukod ko sa biglaan kong pagbagsak.
"Aray," daing ko at nang may parte akong nahawakan na lalong nagpasakit nito ay napapikit ako nang mariin. Dumilat ako matapos ang ilang segundo para tingnan kung namasa ba ang siko ko nang mapansin kong nakaupo na ako habang hinihimas ang siko ko, ilang metro lang ang layo sa mga gazebo sa gitnang bahagi ng building.
"Anong..." Mabilis kong iniangat ang tingin ko sa langit na tanaw na tanaw ko mula rito. Magdidilim na. Yumuko ako para tingnan ang relo ko nang mapansin kong may mga nakapatong na graphing paper, ruler at pencil sa kandungan ko.
Noong una ay napakunot noo pa ako pero nang maisip ko ang lahat ng nangyayari ay napasapo ako sa aking noo saka napahilamos ng aking mukha.
"Iris, nakatulog ka habang gumagawa ng cartesian plane," untag ko sa aking sarili. Gusto ko mang-iitsa sa pagkainis ang mga gamit ko ay hindi ko magawa dahil kakailanganin ko ang isang ito. Hindi ko sasayangin ang mga graphing paper na na-drawing-an ko na dahil assignment ko ito para bukas.
Tuluyan ko na ngang tinignan ang relo ko nang mapansin kong alas-cinco y diez na pala ng hapon. Cincuenta minutos na lang at magsisimula na ang ikalawang klase. Kailangan ko na itong tapusin.
Buti na lang talaga at hindi maulan ngayon at maliwa-liwanag pa dahilan para magawa ko ito rito sa bench na pangdalawang tao lang at ni minsan ay hindi ko pa nakitang inupuan ng kahit sino. Bago pa lang din ito. Akala siguro nila ay hindi pa tuyo ang pintura. Nagkibit-balikat ako habang ginagawa ang panibagong graph na iso-solve ko. Kaysa naman makipagsiksikan at makipagunahan ako sa mga gazebo roon ay dito na lang ako.
Komportable at walang kaagaw. Paniguradong mabilis kong matatapos ang gawain ko rito. Siguro ay magandang tumambay rito kahit anong oras ko gugustuhin. Maganda ang puwesto, e. Ilang metro din ang layo sa mga maiingay na nagtitsismisan sa gazebo. Akala mo'y nag-aaral, hindi naman.
Napaismid ako. Hindi ba nila alam ang hirap ng pag-aaral. "Kung matalino lang ako, malamang... wala akong problema," sabi ko sa aking sarili pero wala, e. Hindi naman ako pinalad na maging mautak tulad ng ibang mag-aaral kaya heto ako't nagsusumikap na lang para man lang makapasa at kung papalarin ay makakuha ng line of 1.0 sa kung saan mang kurso.
"Mahirap din maging matalino."
"Matalino ka ba- ay! Sino ka?" Nanlaki ang mga mata ko nang bigla na lang may nagsalita sa tabi ko. Ni hindi ko man lang namalayan na may katabi na pala ako. Napasapo pa ako sa aking dibdib sa gulat. Ang tahi-tahimik kasi tapos bigla na lang siyang umimik.
"Hi, I am Allen," pakilala niya sabay lahad ng kamay miya na nakikipag-shake hands. Nag-alanganin akong kunin iyon kaya hindi ko na lang pinansin ang kamay niya. Akma ko siyang pipindutin sa braso nang bigla niyang iiwas ito.
"Anong ginagawa mo?" naguguluhan niyang tanong sa akin. "Weirdo ka rin, ah!" komentaryo niya pa. Ako pa ang weirdo samantalang siya itong nag-ala kabute na biglang nagsalita.
"T-totoo ka ba?" alanganin kong tanong sa kaniya. Napakurap ako nang makailang ulit. Baka nananaginip na naman ako nito at kung saan na ako dalhin ng imahinasyon ko. Ibang usapan na kapag may nakakausap sa panaginip, oy.
Napatigil ako sa pag-iisip nang mahina siyang tumawa, marahil ay sa naging tanong ko. "I think therefore I am," sagot niya. Hindi ko man naintindihan ang lohika nito, pakiramdam ko ay narinig ko na.
"A-ano?" Sino ba talaga ang isang ito? Nilingon ko ang langit. Nakahinga ako nang maluwag dahil nakita kong mukha pa namang nasa reyalidad ako.







![Los Deseos del Mafioso [+21]](https://cdn-gcs.inkitt.com/vertical_storycovers/ipad_d7a3e3ef186796b0a30af068ae39249b.jpg?width=1920&quality=75)
![Kira [Completa]](https://cdn-gcs.inkitt.com/vertical_storycovers/ipad_0e6399958cd358c30469b2d86d41f0e9.jpg?width=1920&quality=75)

